Pagnanais Maging Sikat at Biyaya ng Diyos

Si Padre Gil Donayre, SJ habang ibinabahagi ang kanyang homiliya sa Misa ng Kapistahan ni San Ignacio. (larawan mula kay Mark Esquibel)

Ito ang homilya ni Fr. Gil Donaire, SJ sa misang ginanap kahapon, Hulyo 31 sa pagdiriwang ng Kapistahan ni San Ignacio ng Loyola.

Magandang umaga po sa inyong lahat. Unang-una ay magpapakilala po muna ako sa inyo. Ako si Fr. Gil C. Donayre ng Kapisanan ni Hesus. Na-ordinahan po akong pari noong Abril at ang una kong assignment ay ang New Bilibid Prisons sa Muntinlupa, kung saan ako ay nagmimisa sa loob kasama ang mga bilanggo.

Hindi madaling pumasok sa loob ng Bilibid. Sa gate pa lang, mahigpit ang mga guwardiya. Ganito ang eksena sa gate sa Bilibid noong aking mga unang araw:

“Saan kayo?” tanong ng nakabantay.
“Sa simbahan po,” magalang kong sagot, sa pagnanais na papasukin ako kaagad.
“Ano ang sadya mo sa loob?” patuloy na tanong ng gwardiya.
“Ah, magmimisa po,” mahinahong sabi ko.
“May dadalawin ka bang kamag-anak?” muling usisa ng gwardiya.
“Wala po. Magmimisa po ako doon. Pari po ako.”
Nanlaki ang mga mata ng gwardiya, gulat na gulat sa kanyang narinig.
“Maari po bang matingnan ang inyong pass at iyong ID?” sabi ng bantay na parang di makapaniwalang ang kalbong nasa kanyang harapan ay isang pari. Inilabas ko ang aking pass at ID, saka inabot sa kanya.

Pagkatapos masuring maigi ang aking pass at ID, biglang nagliwanag ang kanyang mukha. At biglang nagtanong, “Kamag-anak nyo po ba si Nonito Donaire, Fr.?”

Sagot ko naman, “Opo. Magkamag-anak po kami.”

“Eh di magaling po kayong magboksing, Fr.,” aniya na nakangiting nag-upper cut sa ere bago binuksan ang nakasarang pinto.

Buti na lang kamag-anak ko si Nonito at dahil siya ay kilala, biglang bumukas ang pinto ng Bilibid upang tanggapin ang isang kalbo na pinagduduhan ang kanyang pagkapari. Ewan ko lang kung ang nasa katayuan ko ay si Fr. Guy…mukhang hindi siya makapapasok sapagkat mas mukha siyang bilanggo kaysa sa pari. At sa kasamaang palad, walang sikat na Guibelondong boksingero na siyang magpapalambot sa puso ng mga gwardiya sa Bilibid upang siya ay papasukin.

Pagiging sikat. Marahil sa ating nandidito ngayon, marami ang nagnanais maging sikat. Gusto nating maging kilala, maging tanyag, magiging famous.  Nais nating hangaan tayo ng mga tao. Maraming paraan upang maging sikat. Kung ikaw ay matalino, sikat ka lalong-lalo na kapag ikaw ang nangunguna sa academics. Kilala ka hindi lamang ng mga kaklase mo kungdi pati ng maraming mga guro, at ang iyong magulang ayproud sa iyo. Kung ikaw ay magaling sa sports, sikat ka din. Kung kabilang ka sa Golden Stallions basketball team, at kung naipanalo ninyo ang Tiong Lian, kilala ka ng karamihan, hindi lang ng school community pero pati ng mga alumni, at ng buong Chinese community.  Kapag gwapo ka, kilala ka at magkaroon ka ng maraming tagahanga. Kapag talentado ka at nanalo ka sa Battle of the Bands competition, sikat ka. Kung ang iyong post sa Facebook ay umani ng napakaraming likes, masaya ka sa sapagkat sikat ka.

Tila likas sa ating mga tao ang pagnanais na maging sikat sapagkat iba ang pakiramdam ng taong hinahangaan—mataas ang tingin ng karamihan, iniidolo, hinahangaan. At dahil ang kasikatan ay nagdudulot ng kaligayahan, hindi nakapagtataka na maraming tao ang nais na maging sikat o tanyag, kabilang na dito si Ignacio de Loyola.

Sa kanyang kabataan, kasikatan din ang tanging ninanais ni Ignacio. Dahil tinitingala ang mga court officials ng mga hari at reyna, nagiging kawal din si Ignacio. Binabandera niya hindi lamang ang kanyang capekungdi pati ang tight-fitting niyang uniporme, espada at sandata. At dahil tinitingala din ang kakisigan o kaguwapahan na sinusukat sa dami ng babaeng nakakasalamuha, si Ignacio ay naging lapitin din sa maraming mga babae.

Wala namang masama kung ikaw ay sikat at hinahangaan ng marami. Hindi kasalanan ang magiging matalino, matangkad, talentado, o maging gwapo. Subalit ang pagiging sikat ay kadalasan nakaa-addict, at gaya ng lahat ng bagay na nakawiwili, ayaw mo na itong pakawalan. Ganito din ang karanasan ni Ignacio. Noong siya ay naging pilay pagkatapos matamaan ng canon ball sa kanyang hita, batid niya na ang kanyang pagkapilay ay simula na nang pagtigil ng paghanga ng mga tao sa kanya. Kaya ginawa niya ang lahat ng kanyang makakaya upang mabigyang lunas ang kanyang kapansanan. Nagpa-opera siya upang putulin ang nakausling buto sa kanyang tuhod, maipantay lamang ang kanyang paglakad. At sa panahong iyon, walang anesthesia ang operasyon subalit tiniis lahat iyon ni Ignacio sapagkat batid niyang walang humahanga sa isang may kapansanan. Ayaw pakawalan ni Ignacio ang pagtitingala ng mga tao sa kanya.

At kung hindi tayo malay, maaring ganoon din tayo katulad ng batang Ignacio. Sa pagnanais nating maging sikat, ginagawa natin ang lahat ng pwede nating gawin makamit lamang natin ang paghanga ng mga tao. Dahil gusto nating tumaas ang ating grades, may mga iilan sa atin na gustuhing mangopya basta lamang ma-affirm ni Mommy at Daddy. Dahil gusto nating manalo sa basketball, sa running o kung ano mang sports, nandadaya tayo. Dahil gusto nating tayo ang numero uno, gusto natin ang palakpak at papuri ng mga tao. Nakaa-addict ang pagiging sikat, ayaw natin itong bitiwan.

But the chase for fame leads to emptiness. Ito ang natuklasan ni San Ignacio nang siya ay nanalangin sa Ilog Cardoner.  Sa unang pagkakataon, namulat siya sa katotohanang ang mundo ay hindi umiinog sa kanya. For the first time, Ignatius realizes that the world does not revolve around him. Ang sentro ng mundo ay hindi ang tao kundi ang Diyos. At ang taong naa-addict sa katanyagan ay nabubulag sa katotohanang ito. Ang taong ayaw pakawalan ang pagiging sikat ay nag-aakalang siya ang sentro ng mundo. Subalit hindi ito totoo. Ang sentro ng mundo ay ang Diyos na siyang nagkaloob ng lahat-lahat na mayroon tayo. Ang ating katalinuhan ay galing sa Diyos. Ang ating talento ay galing sa mapagpalang Diyos. Ang ating kaguwapuhan o kagandahan ay biyayang kaloob ng Diyos. This is why we say, Ad Majorem Dei Gloriam. We believe that everything we have is God’s gift and that everything we do should bring greater glory to God.

Ito ang natuklasan ni Ignacio sa Ilog Cardoner. Hindi masama ang maging sikat.  Subalit nagiging masama ito kapag sa ating paghahanap ng paghanga ay inaakala natin na tayo ang sentro ng mundo at nakaliligtaan natin na ang lahat ay biyayang galing sa Diyos.

Thanks for rating this! Now tell the world how you feel through social media. .
How does this post make you feel?
  • Appreciative
  • Excited
  • Happy
  • Inspired
  • Curious
  • Concerned

Short URL:



Be updated:

Leave a Reply

%d bloggers like this: