Buwan ng Wikang Pambansa at Lakan at Lakambini ng Wika, Matagumpay na Nailunsad

Naomi Linga, III - Pilak; Editorial Coordinator, ET Pen Pushers Guild

Bilang paggunita sa taunang selebrasyon at pagkilala sa kulturang Pilipino at sa pambansang wika ng Pilipinas, pormal na inilunsad ng ERDA Technical and Vocational Secondary School ang pagsisimula ng Buwan ng Wikang Pambansa na may temang, “Wika natin ang Daang Matuwid.”  noong ika-dalawa ng Agosto, sa bulwagan ng paaralan na inihanda ng Departamento ng Sining ng Komunikasyon sa pangunguna ni Binibining Reichelle Torricer, ang punong tagapangasiwa.

Isa-isang binanggit ni Binibining Torricer ang mga magiging patimpalak sa buong buwan ng Agosto tulad ng Pagkukwento ng Likhang Pabula sa ika-pitong baitang;  Pagtatalumpati sa ika-walong baiting; Pagsasabuhay ng mga Karakter sa Maikling Kwento sa ika-tatlong taon, at Pagbuo ng Awit sa ika-apat na taon.

Layon ng pagdiriwang na ito na mas mapaigting pa ang paggamit ng wikang Filipino upang lubos na maipaunawa sa nakararami na wala nang mas hihigit pa sa sariling wika kung ito ay gagamitin sa matuwid at mabisang pagpapahayag o komunikasyon.

Sinimulan ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2013 sa isang banal na misa sa pangunguna ni Rev. Father Michael Porcia, Chaplain, Ateneo Middle School. Pinangasiwaan ni Binibining Chyryz Valiente ang paghahanda para sa nasabing misa na dinaluhan ng lahat ng mga guro, kawani at mga mag-aaral mula sa ika-pitong baitang hanggang sa ika-limang taon.

Kasabay nang paglulunsad ng Buwan ng Wika ang opisyal na pag-papakilala sa mga kalahok ng isa sa mga aktibidad o patimpalak, ang Munting Lakan at Lakambini ng Wika para sa Ika-pito at ika-walong baitang at Lakan at Lakambini ng Wika naman para sa ika-tatlo at ika-apat na taon.

Isa-isang pinakilala ni Binibining Torricer ang mga kasali mula sa Munting Lakan at Lakambini na sina Jairus Kenyon Angelo Daep at Virginia Lee-Anne Ramirez mula sa Buling-Buling at James Rohbin Besa at Marjorie Aguja mula naman sa Sinulog para sa ika-pitong baitang. Sunod na ipinakilala sina Neziah Hiel Estanislao at Cynthia Mae Ortiz mula sa Narra at sina Charisse Lapinig at Jansen Keifer Dela Paz mula sa Yakal para sa ika-walong baitang.

Pinangunahan naman ang pagpapakilala sa mga Lakan at Lakambini na sina Jhay Lander Evangelista at Adrianne Rilloraza mula sa Nikel na sinundan nina George Cunanan Jr. at Alyson Michaela Querubin mula sa Pilak at sina Raven Ferry at Cristina Ilao mula sa Tanso, lahat mula sa ika-tatlong taon.

Huling ipinakilala ang mga kalahok mula sa ika-apat na taon na sina Nicko John Salonga at Katherine Cubacub mula sa Katarungan, Aljohn Reyes at Kuh Keith De Vera mula sa Kagitingan at Khyle Ver Gonzales at Margarette Ghale Mamuri mula sa Kalayaan.

Ang lahat ng mga kalahok sa nasabing patimpalak ay inisyal na minarkahan sa mga sumusunod na pamantayan; Pilipinong Anyo, Kaakmaan ng Kilos at Gawi, Tindig at Tikas, Pagdadala ng Kasuotan at Pagdadala ng Sarili.

Ang mga kalahok ay sasailalim din sa dalawa pang patimpalak na naglalayong maipakita ang likas na talino at galing nila sa paggamit ng wika; Pasulat at Pasalita. Ang mga mananalong kalahok ay inaanunsyo sa pagwawakas ng Buwan ng Wika, “Unplugged” sa katapusan ng buwan.

Natapos ang paglulunsad ng programa sa pag-aanunsyo ng mga nanalong Lakan at Lakambini na para naman sa mga guro at kawani ng paaralan. Hinirang na Lakan si Ginoong Learned Paulino at si Ginang Marge Antonio dahil sa kanilang Pilipinong kaanyuan at pananamit.

Thanks for rating this! Now tell the world how you feel through social media. .
How does this post make you feel?
  • Appreciative
  • Excited
  • Happy
  • Inspired
  • Curious
  • Concerned

Short URL:



Be updated:

Leave a Reply

%d bloggers like this: