Isang Maka-Filipino at Maka-Ignaciong Pagdiriwang

isinulat ni Jarone N. Tung H4B, Stallion News Correspondent
larawan mula kay Bb. Teresita Fainsan, Puno ng Kagawaran ng Sining at Musika

Noong ika-31 ng Hulyo 2013, ginunita ang Kapistahan ni San Ignacio ng Loyola sa Fr. Rafael Cortina Sports Center sa pamamagitan ng isang misa.  Ang kapistahang ito ang isa sa pinakamahahalagang pagdiriwang sa buong taon hindi lamang sa Xavier School kundi maging sa lahat ng taong pinagningas ng buhay ni San Ignacio.

_MG_0684

Bago pa man nagsimula ang pagdiriwang, ramdam na ang diwa ng Buwan ng Wika sa buong sports center. Maaaring magsilbing magandang tanawin at tugtugin sa mata at tainga ng bawa’t Pilipino ang kagila-gilalas na larawan ni San Ignacio na likha ni G. Mark Esquibel ng Xavier NExT team, ang maganda’t makulay na palamuting Pilipino, mga tradisyonal na instrumentong Pilipino, at ang mga mag-aaral at gurong nakasuot ng Barong Tagalog-isang sagisag na sumasalamin sa kulturang Pilipino: simple, maayos, at elegante.

Tapat sa Ignaciong Ispirituwalidad, sinimulan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng isang slideshow, kung saan ipinakita ang larawan ng iba’t ibang mag-aaral na itinatanghal ang mga bagay kung saan nila natatagpuan ang Diyos.

Pagkatapos nito ay nagmartsa ang mga officer ng CAdT upang itanghal ang kanilang Silent Drill, na naging lubusang matagumpay sa mata ng lahat; bawat kilos nila ay walang labis at walang kulangInialay nila ito kay San Ignacio na siya ring pintakasi ng mga sundalo.  Habang ginaganap ang pagdiriwang, sumayaw rin ang Dance X, na nakasuot ng damit na nagpapakita ng kanilang pagiging Filipino. Katulad ng CAdT, naging kahanga-hanga rin ang kanilang sayaw sapagkat lahat ng mananayaw nito ay umindak nang buong galak at sigla, dalawa pa sa mahahalagang katangian ng mga Pilipino.

Bukod sa Silent Drill  at ang pagsasayaw ng Dance X, naging espesyal din ang misa dahil sa pagdalo ng mga paring Heswitang galing sa iba’t ibang lugar sa bansa. Isa rito ay si Padre Gil Donayre, na siyang nagbigay ng homiliya tungkol sa paghahangad ng kasikatan. Sinabi niya na katulad daw ni San Ignacio, hindi tayo dapat mabulag sa paghahangad nito. “Ang sentro ng mundo ay hindi ang tao, kung hindi ang Diyos”, mahinahong paalala ni Padre Donayre sa lahat.

Lahat ng mga bagay na ito ay nakatulong sa matagumpay na pagdiriwang ng Kapistahan ni San Ignacio ng Loyola. Imposible namang makamit ito kung hindi sa hirap at tiyaga ng lahat ng taong nagtrabaho para rito. Maging ang mga CAdT officers, ang mga pari na galing sa iba’t ibang lugar, ang Dance X, at ang lahat ng nakibahagi sa misa lalo na ang mga kawani ng paaralan, lahat ay nagkaisa at nagtulungan bilang Filipino at Katoliko upang maging matagumpay ang isang napakahalagang pagdiriwang; ang Kapistahan ni San Ignacio ng Loyola, isa sa pinakamainam na ehemplo ng lahat ng Filipino.

 

Thanks for rating this! Now tell the world how you feel through social media. .
How does this post make you feel?
  • Appreciative
  • Excited
  • Happy
  • Inspired
  • Curious
  • Concerned

Short URL:



Be updated:

Leave a Reply

%d bloggers like this: