Mga Pasabog ng Buwan ng Wika

ni Rainean Calubad H4G, Stallion Filipino Editor
Mga kasiglahang naganap tuwing Buwan ng Wika noong mga nakaraang taon.

Tuwing sasapit ang buwan ng Agosto, ipinagdiriwang ng Paaralang Xavier ang Buwan ng Wika kasama ng buong bansa. Gaya ng nakagawian, isinabay sa taong ito ang paglulunsad ng nasabing pagdiriwang sa isang napakahalagang misa, ang Misang Pagpipintakasi kay San Ignacio ng Loyola. Ang nasabing pagpapasinaya sa Buwan ng Wika ay naging matagumpay sa pamamagitan ng pagpapakita ng kulturang Pilipino sa mga kasuotan ng mga guro, disenyo at wikang ginamit sa misa, at pati na rin sa musikang narinig, inindakan, at inawit.

Sa pagpapatuloy ng paggunita sa Buwan ng Wika, iba’t-ibang magkakasunod na napakasayang gawain sa Mataas na Paaralan ang magaganap sa buwang ito na katatampukan ng  temang “MASARAP MAGING PILIPINO”.  Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga aktibidad na aasahan ng mga kasapi ng nasabing pamayanan:

1. Boodle Fight

– Ito ay para lamang sa mga nasa High 4 at gaganapin sa kantina ng Mataas na Paaralan. Bilang tanda ng pagkakaisa, kakain ang mga mag-aaral gamit ang kamay sa isang pahabang kainan.

2. Agahandaan

– Para naman ito sa mga nasa Grade 7 hanggang sa High 3. Magdadala ng mga pagkaing Filipino na pang-almusal ang iba’t ibang mga klase. Bilang isang grupo at tulad ng isang pamilya, kakain sila nang sabay-sabay.

3. PBB (Paligsahan Bulletin Board)

– Magkakaroon ng paligsahan sa pagdidisenyo ng bulletin board ang  Grade 7 hanggang sa High 2. Dito, ang mga mag-aaral mismo ang bubuo ng sarili nilang dekorasyon para sa bulletin board ng kanilang klase. Isa sa mga pamantayan ay ang pagsunod sa  temang “Masarap maging Pilipino” at gamit lamang ang mga ni-recycle na kagamitan.

4. PalaXSan

– Katatampukan ang gawaing ito ng mga larong Pilipino tulad ng palo sebo at kulyot.  Dito ay maglalaban-laban ang bawat antas ng mga mag-aaral sa paaralan.

5. Bigkas

– Ito ang magsisilbing gawaing pangkulminasyon para sa Buwan ng Wika. Magkakaroon dito ng mga paligsahan at iba’t ibang pagtatanghal ng awiting Filipino.

Kasama pa sa aabangan ng pamayanan ng Mataas na Paaralan ay ang paligsahan sa “Pagsulat ng Tanaga”, “XSine”, ang kapana-panabik na “Kakasa Ka Ba sa Filipino?”, at ang lingguhang pagkakaroon ng mga pagkaing Filipino na mabibili sa kantina.

Sa lahat ng ito, kitang-kita na magiging masaya ang pagdiriwang ng buwang ito.   Ninanais ng mga kasapi ng Kagawaran ng Filipino na makita ng mga Xaverian na masarap maging Pilipino bagama’t ang konseptong ito ay laging nalilimutan. Kaya naman sana’y tumatak sa kaisipan ng bawat estudyante pati na rin sa masang Pilipino na tunay na masaya, masarap, at kakaiba ang maging Pilipino.

Thanks for rating this! Now tell the world how you feel through social media. .
How does this post make you feel?
  • Appreciative
  • Excited
  • Happy
  • Inspired
  • Curious
  • Concerned

Short URL:



Be updated:

Leave a Reply

%d bloggers like this: