Ang Kakambal ng Tagumpay

ni G. Jared Richard Uy (Faculty, HS Filipino Department)
Larawan kuha ni G. Jared Richard Uy

Kasalukuyang nasa kanyang ikalawang taon sa pagtuturo ng Filipino sa Paaralang Xavier, hindi naging madali para kay Binibining Deidre Morales na maabot ang tugatog ng tagumpay.

May angking pag-ibig si Bb. Morales sa wikang Filipino na siyang nagdala sa kanya upang magbasa, magsulat, makinig at tumangkilik ng iba’t ibang anyo ng panitikan na nasa ating sariling wika.

At dahil dito, ninais niyang ibahagi ang kaalamang ito sa pamamagitan ng pagtuturo at pagsusulat.

Taong 2012 nang matapos niya ang kursong BA Araling Pilipino (Malikhaing Pagsulat sa Filipino) sa Unibersidad ng Pilipinas bilang Magna Cum Laude.

Bitbit ang kanyang pagmamahal sa wika, malugod siyang niyakap ng Paaralang Xavier upang bigyan ng pagkakataong maging guro ng Filipino ngunit hindi ito naging madali para sa kanya lalo pa’t isa siya sa mga huling guro na tinanggap bago magsimula ang taong panuruan.

Ayon pa sa kanya, “Bago pa lang ako sa larangan ng pagtuturo noon at unang trabaho ko pa, kaya masasabi kong nangangapa talaga ako. Isang linggo na lang bago magsimula ang klase pero kailangan ko pang ayusin yung mga papeles ko noon para sa Xavier.”

Bagama’t hindi Education Major, nanatili pa rin kay Bb. Morales ang pagsisikap para matutuhan ang lahat upang magampanan ang kanyang trabaho. Sa tulong ng kanyang mga kasamahan sa kagawaran ng Filipino at mga kaibigang mga bagong guro rin, nagkaroon siya ng lakas ng loob upang harapin ang mga pagsubok na ito hanggang sa matapos ang isang buong taon ng panuruan.

Nang dumating ang ikalawang taon ng pagtuturo, ninais ni Bb. Morales na kumuha ng propesyunal na lisensiya para sa pagtuturo upang maging isang ganap na guro, ngunit hindi rin ito naging madali.

Mula pa noon, ang mga nakasanayang buwan sa pagkuha ng lisensiya para sa pagtuturo ay tuwing Marso at Setyembre.

Ngunit nito lamang taon, binago ito ng PRC o Professional Regulation Commission at ginawang Enero at Hulyo.  Nagsisimula na ang mga klase noon at kulang na sa panahon upang makapaghanda si Bb. Morales. Nobyembre 2013 nang simulan niya ang paghahanda upang makuha ang pagsusulit para sa Enero 2014.

Hindi rin naging madali ang paghahandang ito sapagkat kailangan niya ring gampanan ang pagiging isang guro araw-araw habang isinisingit ang pagbabalik-aral. “Isipin mo naman ang pag-juggle ng oras sa pagrereview mula 9 a.m. hanggang 7 p.m.” ayon pa sa kanya.

At nito lamang nakaraang linggo, hindi makapaniwala si Bb. Morales nang siya ay nakapasa sa pagsusulit at masungkit ang pinakaunang puwesto na may markang 88.4% kasama ang isa pang kumuha ng pagsusulit mula sa Central Mindanao University na si Eduard Pagtulon-an upang madaig nila ang 42,356 na kumuha ng pagsubok na ito.

Naniniwala si Bb. Morales na isa lamang ang susi sa tagumpay, at ito ay ang pagtitiyaga.

Tinatanaw niya ang Paaralang Xavier bilang isa sa mga naging malaking bahagi ng kanyang tagumpay sapagkat tinuruan siya nito kung paano maging isang guro sa totoong buhay at malaki ang naitulong  nito sa kanyang kinuhang pagsusulit.

Sa kasalukuyan, dalawa lamang ang plano ni Bb. Morales: ang patuloy na magturo ng wikang Filipino at mag-aral upang mas maging mahusay pang guro.

Nang tanungin kung ano pa ang mga tagumpay na ninanais niyang makamit:

“Siguro yung maging dalubhasa sa pinakaepektibong paraan para matuto ang mga bata ng Filipino at kung paano sila matatransform na mahalin yung wika at panitikan.”

Si Bb. Deidre Morales ay isang nabubuhay na manipestasyon na ang lahat ng pagsisikap, may makakita man o wala ay may kakambal na tagumpay, na ang lahat ng luha ay napapalitan ng ngiti at ang mukhang imposible ay nagiging posible.

Muli, binabati at ipinagmamalaki si Bb. Morales ng buong komunidad ng Paaralang Xavier.

Nawa’y patuloy pang magbigay-sinag ang kanyang liwanag para sa lahat.

Thanks for rating this! Now tell the world how you feel through social media. .
How does this post make you feel?
  • Appreciative
  • Excited
  • Happy
  • Inspired
  • Curious
  • Concerned

Short URL:



Be updated:

Leave a Reply

%d bloggers like this: