Rak of Aegis: Kwento ng Pagkakaisa

ni Anderson Nigel Tan (H4C)
Photo from http://astig.ph/wp-content/uploads/2014/07/Show-Photo-3-335×223.jpg

Noong Hulyo 12, pumunta ang ilang mag-aaral at guro mula Xavier School sa Philippine Educational Theater Association o PETA upang panoorin ang kanilang bagong pagtatanghal, ang Rak of Aegis. Isa itong komedya-musikal na batay sa mga naganap nang nanalasa ang Ondoy noong 2010. Kilala ang PETA sa kanilang mga malikhaing musikal na nagpapadala ng ngiti sa mga manonood habang nagbibigay kaalaman din sa mga isyung panlipunan. Idinerehe ito ni Maribel Legarda at isunulat ni Liza Magtoto na kasama noon sa paggawa ng popular na dula, Care Diva.

Inilarawan ng dula ang kahirapang idinulot ng malaking baha pagkatapos ng isang bagyo. Nagsusumikap na makaahon sa gitna ng trahedya ang mga naninirahan sa Brgy. Venizia. Dagdag pa rito, mayroon pang itinatayong subdibisyon sa tabi ng barangay na humaharang sa daluyan ng tubig at gayundin humahadlang din sa kanilang pag-unlad. Ang mga tauhan ay naghihirap araw-araw at umaasa sila sa maliit na bangka para umabot sa isang lugar. Pero nagsumikap si Aileen, ang pangunahing tauhan na magbabago ang lahat. Ang kabuhayan ng kanyang pamilya ay ang paggawa ng sapatos ngunit hindi ito sapat para sa kanila kaya naghangad siyang maging isang sikat na mang-aawit. Sa pamamagitan ng kanyang gintong himig, ninais niyang makatulong sa kanyang komunidad. Ang Rak of Aegis para sa direktor ay umiikot sa kwento ng “pagkawala at sa paghahanap ng pag-ibig sa panahon ng delubyo.” Bilang estudyante, matututo tayo sa determinasyon at lakas ni Aileen. Ang kanyang pagmamalasakit ay humihimok din sa atin upang makatulong sa iba.

Sa tulong ng kanyang mga magulang at kaibigan, nakapag-post si Aileen ng isang video sa Youtube na nagpapakita ng kanyang pagkakanta sa tindi ng kalungkutan at pagdurusa. Maraming humanga sa boses ni Aileen at naawa sa kanyang kalagayan ngunit may mga sektor sa komunidad na sumalungat sa kanyang adhikain. Para sa iba, hindi marangal ang paghingi ng awa. Tutol din ang mga iba sa pag-unlad ng barangay dahil ginagamit nila ang pagdurusang ito para yumaman.

Sa huli, isinakripisyo ni Aileen ang lahat, pati ang kanyang mga pangarap para lang makatulong sa kanyang barangay. Lutang na lutang sa dula ang tema tungkol sa pagmamahal sa komunidad at sa mga pangarap natin bilang tao, bilang mamamayan. Gaya ni Aileen, kaya rin natin ipagpaliban ang pansariling hinahangad para sa kabutihan ng ating minamahal. Mahusay ang pagpapakita ng dula sa tibay ng loob ng mga Pilipino sa harap ng isang pagsubok. Makikita natin ito sa pagsasama-sama ng mga tao para sa muling pagbangon ng nasalantang komunidad; na kahit basang-basa na sa ulan, posible pa ring magtagumpay.

Isa sa mga kakaibang katangian ng dula ang paggamit ng mga kanta ng Aegis. Kung bakit mga kanta nila ang ginamit, simple lang ang naging paliwanag ng mga bumubuo ng dula. Sa bawat sulok ng ating lipunan, maging mayayaman o ordinaryong manggagawa, kilala ang mga kanta ng Aegis. Ilan lamang ito sa maagang anyo ng OPM na nakilala sa buong mundo. Ang mga kanta ng Aegis gaya ng Basang-basa sa Ulan, Halik at Luha ay ipinagmamalaki natin bilang Pinoy. Naging isang bahagi na ito ng ating kultura. Bagamat sinasabing antem ng mga sawi ang mga kantang ito, binago rin ng dula ang konteksto ng mga kanta upang umakma sa tema nito. “We were allowed to tweak some of the lyrics,” sabi ng mandudulang si Liza Magtoto, ang manunulat ng dula. “It was fun to modify the original context of the songs…to something more mundane.” Sa pamamagitan ng kanilang mga kanta, naipapahayag ng dula ang kabuluhan ng pagmamahal at pagkakaisa.

Inaasahang makararanas ng isang mahusay na pagtatanghal ang sinumang makapapanood nito. Pinakikinang ng mga boses nina Robert Seña, Aicelle Santos at Myke Solomon ang entablado. Nagbibigay daan din ang iskrip para sa isang kakaiba at masayang karanasan. Mula sa paggamit ng mga nakakatawang biro at sitwasyon, maaari kang mapaiyak sa tindi ng pagtawa. Nakadagdag din sa kagandahan ng palabas ang maayos na paggamit ng effects at ilaw. Naging posible ang lahat ng ito at ang kakinisan ng daloy ng dula dahil sa mahusay na pamumuno ni Direktor Maribel Legarda. Talagang ipinagmamalaki ng PETA ang bawat aspekto ng palabas, lalo na paggamit ng mga elementong Pinoy sa pagbuo ng isang kuwento.

Ang Rak of Aegis na lagpas na sa kanyang ika-100 screening ay isang malikhain at modernong pagpaparangal ng ating pagiging Pilipino.

 

Mga Sanggunian:

http://lifestyle.inquirer.net/165709/6-things-you-didnt-know-about-rak-of-aegis-villa-venizia

http://www.gmanetwork.com/news/story/343265/lifestyle/artandculture/peta-s-rak-of-aegis-brings-to-life-songs-of-opm-legends

Thanks for rating this! Now tell the world how you feel through social media. .
How does this post make you feel?
  • Appreciative
  • Excited
  • Happy
  • Inspired
  • Curious
  • Concerned

Short URL:



Be updated:

Leave a Reply

%d bloggers like this: