Isang Bansa, Pilipinas. Isang Wika, Filipino. Buwan ng Wika 2014.

by Grant Axel Glifonea, Justine Padolina and Jairuz Menia, ET Pen Pushers Guild
photo taken from http://kwf.gov.ph/

Sa pangunguna ng Departamento ng Sining sa Komunikasyon at ng SBO (Student Body Organization) ng paaralang ERDA Technical Vocational Secondary School, muling binuksan ang Buwan ng Wika 2014 na may temang “Wika ng Pagkakaisa”. Mula sa ika-1 ng Agosto hanggang sa ika – 29 ng Agosto, ang paaralan ay magkakaroon ng iba’t –ibang patimpalak para sa mga estudyante.

Magkakaroon ng ‘Balagtasan’ para sa mga  estudyante ng Ika- 8 baitang, ‘Dagliang Pagbigkas’ naman para sa mga ika- 9 na baitang, at  ‘Pagkanta ng Likhang- awit’ naman para sa mga Ika-apat na taon. Maglalaban-laban ang bawat baitang at ang mga mananalo ay magtatanghal sa ika-15 ng Agosto at doon mismo paparangalan at kikilalanin ng buong paaralan.

Malaking tulong ito sa mga estudyante ng paaralan, dahil ito ang magbubukas upang mahalin ang wikang Filipino at ang iba’t-ibang mga sining na nalilikha dito. Bukod dito, kakatapos lang ng unang markahang pagsusulit kaya’t magandang oras ito para bigyang aliw ang mga estudyante at kasabay din nito ay mahahasa ang talento at kaalaman nila sa wikang Filipino.

 

TAGISAN NG GALING AT TALINO

Idinaos noong ika- 15 ng Agosto ang inihandang mga gawaing pasalita ng Kagawaran ng Sining ng Komunikasyon sa ERDA TECH Roofdeck mula 1:45 hanggang 4:00 ng hapon. Ito ay pinasimulan sa isang pambungad na pananalita mula kay Gng. Laarnie Santos, guro sa Filipino 8 at IV na siya ring nagpasimula nang unang gawain; ang Balagtasan, mula sa ika-walong baitang. Ang balagtasan ay naglalayong malaman kung saan mas naaayon manirahan, sa lalawigan ba o sa lungsod? Ito ay binuo ng apat na grupo mula sa dalawang pangkat Narra at Yakal.

Mula sa pangkat Narra, binuo ito nina James Rohbin Besa,  Darryl Caronan at J-skie Laguinday. Idagdag pa sina Coleen Zaima Felix, Rubilea Pangindian at Joyce Ann Busante. Mula naman sa pangkat Yakal, Geoliene Cura John Patrick Bersoto at Angel Gabrielle Hamblosa. At ang isa pang grupo na binubuo nina Coleen Liberato, Marjorie Aguja at Anna Dominic Dimaculangan.

Matapos ang unang gawain, agaran namang sinimulan ang ikalawang patimpalak para sa mga nasa ika-siyam na baitang, ang dagliang talumpati. Ito ay nilahukan nina, Evelyn Pamonag, Neziah Hiel Estanislao at Rachel Candoy mula sa pangkat Pilak at sina Pearl Magbanua at Cynthia Mae Ortiz mula naman sa pangkat Nikel.  Sa patimpalak na ito, ang bawat isa ay pinakitaan ng isang larawan na kailangan nilang i-ugnay sa tema ng Buwan ng Wika. Halimbawa ng mga larawan ay pahayagan, tren, mapa ng Pilipinas at social media.  Sila ay binigyan ng isang minuto para mag-isip at dalawang minuto naman para sa kanilang dagliang talumpati.

Para sa ika-apat na taon, ang tatlong pangkat — Katarungan, Kapayapaan at Kalayaan — ay nagtanghal nang kanilang mga nilikhang awit na siya ring tugma sa tema ng okasyon. Ang awit ng unang pangkat ay may pamagat na WikaIsa, ang ikalawang pangkat ay Halaga at ang ikatlo naman ay pinamagatang Iisang Lahi, Iisang Wika.

Tagisan ng Talino ang huling gawain na lalong nagpagalak sa buong  komunidad ng Erda Tech dahil ang bawat baitang ay may kanya-kanyang pambato sa kanilang mga antas. Ang mga piling mag-aaral ay nahati sa dalawang pangkat; ang Francisco Balagtas at Lope K. Santos kung saan sila ay sumagot sa mga katanungang madadali at mahihirap.

Natapos ang nasabing kaganapan sa pangwakas na pananalita ng pinuno ng kagawaran na si  Bb. Reichelle Torricer na lubos na nagpasalamat sa buong komunidad sa kanilang pakikisama sa gawain.

 

ANG WIKA NG NAKARARAMI AY SUSI SA KAPAYAPAAN NG BANSA

Idinaos naman nitong ika-22 ng Agosto ang huling patimpalak para sa buwan ng wika, ang pagsulat ng sanaysay. Ito ay nilahukan ng pitong mag-aaral mula sa iba’t ibang pangkat mula ika-walong baitang hanggang ika-apat na taon. Ito ay binubuo nina Patricia Liberato, Coleen Felix, Stephany Benjamin, Rebon Langcawon, Gerald De Asis, Jocelyn Adato at Kyla Fernandez.

Kaakibat ang ET Pen Pushers Guild, naglalayon ang patimpalak na ito na hasain ang talento ng mg mag-aaral sa pagsulat sa wikang Filipino at malinang ang kanilang kaisipan sa kahalagahan ng wika sa pagkakaisa at pagkamit ng kapayapaan.

Ang mga nagsipagwagi sa mga naging patimpalak ay pararangalan at i-aanunsyo sa buong komunidad sa pagsasara ng Buwan ng Wika sa darating na ika -28 ng Agosto.

 

 

Thanks for rating this! Now tell the world how you feel through social media. .
How does this post make you feel?
  • Appreciative
  • Excited
  • Happy
  • Inspired
  • Curious
  • Concerned

Short URL:



Be updated:

Leave a Reply

%d bloggers like this: