Salo-Salo ng Isang Mahiyaing Bata

ni Winchell Liao (H4C)
Litrato mula kay Kiko Goyena (H4C)

Mahalaga ang pamilya para sa mga Pilipino. Sa mga mata ng mga Pilipino, ang pamilya ay kumpol ng mga taong magkakadugo at nagmamahalan sa hirap man o saya. Sa kabila ng pagpapahalaga sa pamilya, marami pa ring Pilipino ang umaalis ng bansa upang punan ang mga pangangailangan ng pamilya nila. Dahil dito, hindi nagiging kumpleto ang pamilya. Para naman sa mga pamilyang nanatili rito sa Pilipinas, halos dalawang araw lang sa isang linggo ang nakalaan upang magkasama. Ang oras ng bawat tao ay nauubos sa pagtatrabaho o sa pag-aaral subalit hindi ito hadlang para magsama ang pamilya. Kahit hindi sila nagkakasama, naghahahanap pa rin sila ng panahon upang magsama. Sa pagsapit ng gabi o sa mga araw ng bakasyon, naghahanap sila ng oras para magtipon sa hapagkainan. Ang salu-salo ay isang tradisyong pinahahalagahan ng bawat pamilya bilang isang pagkakataon para magkasama-sama.

Sinimulan ng isang masayang misa ang Buwan ng Wika. Nagsigawan at humalakhak ang mga estudyante at guro upang makibahagi sa pagdiriwang. Buhay na buhay ang misa dahil sa magagandang boses ng koro at sa pagsayaw ng Dance X sa loob ng gym. Pagkatapos ng misa nagkaroon ng maikling pagtatanghal ang mga mananayaw na galing sa Marikina. Nakakatuwang panoorin ang mga tao na nakikihalubilo sa mga nagtatanghal. Kay saya maging parte sa misa sapagkat hindi ito ang karaniwang misa na nagaganap tuwing Linggo. Pagkatapos ng misa ay sumunod ang isang salo-salo. Kaiba sa ginagawang salo-salo noon, higit na pinaglaanan ito ngayong taon ng oras upang makakain at maging masaya ang bawat mag-aaral.

Hindi talaga inaasahang magiging iba ang salo-salo ngayong taon. Nagdala ng pagkain ang lahat. Naghahalo-halo sa silid ang amoy ng mabangong adobo, matamis na puto at malinamnam na pansit canton. Nagtipon ang lahat sa hapag-kainan at huminto muna kami para magdasal. Pagkatapos nito, nagmadali ang lahat sa pagkuha ng mga ulam at kanin. Nagsimula rin ang kuwentuhan at biruan ng mga kaklase ko. May mga ilang nagbahagi ng kanilang mga dala at dahil dito, walang naiwan sa pagdiriwang. Sumali rin ang mga guro sa kasiyahan at unti-unting nagkaroon ng buhay ang silid sa masayang ingay ng tawanan. Hindi ko inakalang ganoon pala ang aking mga kaklase. Sa dalawang taon kong pananatili sa aking section ay hindi ko man lang pala nakilala nang lubusan ang aking mga kamag-aral dahil tila lagi kaming nasa kani-kaniyang mundo. Nagbago ang ihip ng hangin nang nagsimula ang salo-salo. Lahat ng mga dating nagmumukmok sa sulok ay naging bukas na at sobrang daldal. Nawala ang pagkahiya ng iba at sumama na rin. Gumaan ang aking loob. Nabigyan ako ng pagkakataon upang makilala ang aking mga kaklase. Ngayon ko lang narinig ang halakhak at kasiyahan ng aking section. Kung iisipin, naging isang barkada na rin kami. Walang naiwan kahit na guro o kamag-aral. Nagsama-sama kami bilang pamilya.

​​Nagiging masaya and panahon kung may kasama kang kakilala o malapit na kaibigan. Naging makabuluhan ang simula ng Buwan ng Wika ngayon. Isang magandang karanasan ito para sa lahat dahil nagkaisa ang bawat isa sa pagdiriwang ng ating kakaibang kultura. Pinagmamalaki natin ito bilang isang bahagi ng ating pagkatao at kinagawian. Sa kabila ng lahat, lumalakas din ang kapatiran namin bilang klase. Pinahahalagahan ko na ang oras ng aming pagsasama. Sa aking huling taon sa Xavier, nagbago ang aking pananaw tungkol sa pagkaroon ng mga kaibigan bilang mahalagang bahagi ng aking buhay. Tumuwid ang daan patungo sa isang maaliwalas na taon puno ng masasayang karanasan at magandang pagkakaibigan.

Thanks for rating this! Now tell the world how you feel through social media. .
How does this post make you feel?
  • Appreciative
  • Excited
  • Happy
  • Inspired
  • Curious
  • Concerned

Short URL:



Be updated:

Leave a Reply

%d bloggers like this: