XPLORE CEBU: Sasamahan Kita…Saan Man Magpunta

ni Matthew Ong (Gr10B)
Xavier San Juan and Xavier Nuvali Students and Supervisors’ picture at the Magellan’s Cross Monument

“ …Huha! Walang Iwanan!
Walang Iwanan! Huha!… ”
(Gawad Kalinga Cheer, 2014)

Sa buhay naming mga Xaverian kalimitan ay hinihingi ang maibahagi ang aming sarili sa iba — magkaroon ng pag-asa na makapagbibigay-saya sa mga taong hindi naman namin lubos na kilala, ngunit ninanais na makilala; magkaroon ng pusong bukas sa pagtanggap, na ang mga taong ito ay kaya rin naming ituring na kapamilya.

Nitong ika-25 ng Oktubre, 2014, isinantabi muna ng ilan sa aming mga Xaverian mula sa San Juan, gayundin ang mga Xaverian na taga-Nuvali ang iba naming hangarin para sa isang paglalakbay na muling magpapalawak at maghuhulma ng aming mundo. Tinahak namin ang “Xavier Philippines Exploration (XPLORE) Cebu.”

Madaling-araw pa lang, ngunit buhay na ang diwa naming mga Xaverian (San Juan at Nuvali). Natuwa kami sa maayong pagbati ng sikat ng araw nang madama namin ito pagbaba sa eroplano at nang marating na ang lugar na aming titirhan sa loob ng pitong araw. Tila ay niyakap namin ang sandaling iyon dahil iyon na nga ang talagang simula ng aming pakikipagsapalaran sa Cebu!

Pagdating sa Ticad, Bantayan, hindi pa kami nakababa sa sinasakyang jeep ay narinig na namin ang malakas at dumadagundong na tugtog ng Unity Dance ng Gawad Kalinga (GK):

“Sino ba’ng may sabi na wala tayong magagawa?
Sino ba’ng may sabi na hindi natin maiisip?
Bakit hindi natin subukan buksan ang mga mata… “
(Lyrics: “Muling Umawit” ni Jed Dycoco)

Simula pa lang ay nakita ko na kung ano ang mahalaga para sa amin — walang iba kung hindi ang mga mamamayan sa Ticad. Laking pasasalamat namin sa kanila. Napawi agad ang gutom namin nang pinakain na sa amin ang iba’t ibang handa ng bawat pamilya. Pagkatapos ng nakabubusog na tanghalian ay iginrupo na kami kasama ang mga guro at itinakda na ang mga pamilyang pupuntahan namin.

Marami sa amin ang katulad ko na pumasok sa mga bahay nang nag-aalinlangan, subalit hindi rin nagtagal ay napalapit din kami sa mga pamilya at nakipaglaro na rin sa mga bata. Sinamahan ng masarap na simoy ng hangin ang tunog ng mga naghahalakhakang pamilya. Kahit malapit nang maggabi, nagsilabasan pa rin ang mga bata sa kani-kanilang mga tahanan para makipagkwentuhan sa amin.

Slide1 Slide2

on the left: Basketball with the Bantayan children; on the right: Smiling Bantayan kids

Slide3

A short Mass with the Bantayan Children

Nataon din namang Sabado ang araw na iyon kung kailan nagsasama-sama ang kabataan sa isang tolda para magkumustahan at magkuwentuhan kasama ang kanilang pinunong si Tony Boy. Naging mapagbiro si Tony Boy. Hindi niya pinalagpas ang lahat ng pagkakataon para makapagpatawa. Subalit nang kumportable na sila ay naging masinsinan din ang kuwentuhan nang tanungin ko na sila tungkol sa bagyong Yolanda…

“ Yolanda… masaya na malungkot… “
– Tony Boy, 2014

Slide4

on the left: Tony Boy; on the right: Mr. Wendell de Ocampo, Xplore Supervisor

Sa napakaiksing sentimiyento niyang iyon ay napakarami kong natuklasan sa barangay ng Bantayan. Naipakita niya kung gaano sila katibay at katatag.

Ibinahagi ni Tony Boy kung papano natanggal ng Bagyong Yolanda ang mga bubong ng ilan sa mga bahay, at kung papaano nasira ang kanilang mga pananim. Hindi raw nagbaha, ngunit dahil sa malakas na hangin na humagupit sa kanila ay nasira na rin ang mga dingding at pader ng ibang tahanan. Ganoon pa man, mga ari-arian lang ang nasira ng bagyo, hindi ang kanilang loob. Pagkatapos ng bagyo, agad-agad nilang sinimulan ang muling pag-ayos ng barangay. Naging masagana na rin ulit ang kanilang mga pananim. Hindi rin naiwasan ni Tony Boy at ng mga bata na matawa nang maalala nila noong puro itlog at manok lang ang kanilang kinakain sa kasagsagan ng bagyo. Masyadong napasarap ang kuwentuhan namin nang matanto namin na inabot na pala kami ng 11:00 pm o ang oras ng aming lights out. Nagpasalamat kami sa pag-imbita nila sa amin, gayundin ay nagpasalamat sila sa aming pagtanggap. Pagkatapos noon ay agad-agad na kaming bumalik sa aming mga tahanan.

Kinabukasan, araw na para simulan ang pagbuo ng mga bahay. Lahat ay nagsikilos. Lahat ay may ginawa. Higit kaming pinasigla ng masarap na agahan na inihanda ng mga pamilya. Iba-iba ang naging trabaho, ngunit ang lahat ng iyon ay naranasan ng bawat isa. Halos buong araw din kami nagbilad sa araw. May mga estudyanteng humukay ng dinurog na apog. Ang iba naman ay nagpasa-pasahan ng mga sako at nagpinta ng mga bahay. Ang ilan ay naatasang makipaglaro at makipagkwentuhan sa mga bata ng Ticad.

Slide5

Xaverians executing on the build for Gawad Kalinga

Slide6

XS Nuvali students playing with the Bantayan children

Slide7

 

Noong pangatlong araw ng aming pamamalagi roon, tinuruan kami kung papano magtanim ng mangrove. Pinaliwanag sa amin kung ano ang halaga ng mga ito para sa mga taga-Bantayan lalo na at sa tabing-dagat sila nakatira. Dahil sa mga pananim na ito ay nananatili silang ligtas sa matataas na alon na maaaring manalanta sa kanilang lugar.

Nang sumapit ang gabi ay biglang nag-iba ang pangkalahatang disposisiyon sa buong barangay ng Ticad. Nagkaroon ng pagkahalo-halo ng mga emosyon. Ito na ang huling gabi namin sa Ticad. Upang matapos nang masaya ang gabi, nagkaroon kami ng maikling programa kung saan ipinakita ng mga taga-Bantayan at mga Xaverian ang galing nila sa pagsayaw, pagkanta at iba pa. Hindi lang mga estudyante ng Xavier School ang nagpakita ng kanilang talento sa pagkanta sapagkat bumirit din ang mga guro. Naipakita rin ng mga bata sa Ticad ang husay nila sa pagtula. Bago matapos, sinayaw na ng lahat sa panghuling beses ang Unity Dance ng Gawad Kalinga. Tila pinaantig nito ang mga puso ng bawat isa dahil pagkatapos ng tatlong araw na pagsasama-sama ay narito na ang mga Xaverian, at aalis na kinabukasan.

Slide8

Last “Unity Dance” of the Xaverians with the Gawad Kalinga children

Oras na ng pagpapaalam. Hindi naging madali sapagkat naging mahirap na tiisin ang hindi umiyak. Naghanda ang mga pamilya para sa isang Boodle Lunch. Sa mga dahon ng saging, inilatag nila ang kanin, pansit, tahong at ang lechon na iniregalo ng mayor.

Papalayo sa GK Village, nagbalik sa aking mga alaala ang mga pinagdaanan namin sa Ticad. Sinigurado namin na nakabaon ang lahat ng asal na aming napulot, at handa na kaming tumungo sa susunod naming lalakbayin, ang lungsod ng Cebu.

Siyempre, hindi makukumpleto ang Xplore kung wala ang mismong paggalugad namin sa Lungsod ng Cebu. Parte rito ang pananatili namin sa Sacred Heart School – Ateneo de Cebu. Doon din kami natulog para sa natitira naming mga araw. Hindi na naging kataka-taka ang magandang pagtanggap nila sa mga Xaverian. Tila ay matibay talaga ang relasyon ng dalawang paaralang ito dahil na lamang na parehong mga Heswita ang nagtaguyod ng mga naturang paaralan.

Sari-saring mga bagay ang pinagmulan ng interes namin nang malibot na ang lungsod. Sa aming pagbiyahe, imposible na malimutan ng isa ang maraming simbahan, museo at iba pang mga lugar na napakahalaga sa ating kasaysayan. Inuna namin ang Magellan’s Cross at sumunod na rito ang mga katabing simbahan. Naging makabuluhan din ang pagpunta namin sa mga lugar katulad ng Fort San Pedro, 1730 Jesuit House, Yap-San Diego Ancestral House at iba pa.

Slide9

Xaverians inside the Yap-San Diego Ancestral House

Binigyan din namin ng sapat na halaga ang pakikipaghalubilo sa mga estudyante ng Sacred Heart School. Sila ang gumabay sa mga Xaverian sa paglibot sa buong paaralan. Ipinakita nila ang maraming handog ng Ateneo de Cebu. Sa huli ay pinalipas na lang namin ang natitirang oras sa pamamagitan ng kuwentuhan.

Napakainteresante ng dahilan kung bakit pumayag kaming mga Xaverian na ipagpalit ang oras ng aming pahinga sa isang karanasan na punong-puno ng pagsubok. Sa totoo lang ay may iba rin sa amin na nalito kung bakit kami sumali. Nakarating ang iba sa Bantayan Islands, Cebu na hindi alam ang layunin. Subalit hindi nanatiling ganito ang mga pananaw. Sa huli ay naliwanagan din kami. Sa pamamagitan ng dasal sa Diyos ay natulungan kami upang malaman na ginawa namin ang lahat ng ito sa dahilan na parte kami ng hukbo ng Diyos na patuloy na lumalaban para sa higit pang ikabubuti ng mundo sa pamamagitan ng pagmamahal at pagtulong sa kapwa.

MGA PAGKILALA:

Malaking pasasalamat para sa aking mentor na si Mr. Wendell de Ocampo na nagsilbing aming magulang sa Team Lapu-Lapu ng mga oras na iyon, gayundin sa aking mga masisipag at masasayahing kagrupo.

Slide10

From left to right: . Roberto Chua (XSSJ) , Aaron Ong (XSSJ), Matthew Ong (XSSJ), Jeremy Gemzontan (XSSJ), Ms. Valentine de Dreuille (ERDA Tech), Rylan Lee (XSN), Mr. Wendell de Ocampo (XSSJ Supervisor), Joshua Darik Go (XSSJ), Avin Chugani (XSSJ), Miguel Remonillo (XSN)

Isang sorpresa ang bumulaga sa amin sa paglalakbay na ito nang imbitahan kami ng aming kamag-aral na si Aaron Medina na kasalukuyang nagbabakasyon doon. Nang kami ay naroon na sa kanilang lugar na kinagisnan ng kanyang ina ay walang pag-aalinlangan kaming hinainan ng masarap na tanghalian na natuklasan ko lamang na iyon pala ay isang paanyaya ng kanyang lola.

From left to right: Aaron Ong, Ms. Perpetua Cuevas, Terrill Simeon, Arthur Co, Mrs. Alita So Ion, Mrs. Tintin Alcala, Aaron Medina, Nowel Lim, Matthew Ong

From left to right: Aaron Ong, Ms. Perpetua Cuevas, Terrill Simeon, Arthur Co, Mrs. Alita So Ion, Mrs. Tintin Alcala, Aaron Medina, Nowel Lim, Matthew Ong

Para sa pamilyang pansamantalang kumupkop sa amin nina Aaron Ong (Xavier School San Juan Student) at Mr. Marck San Juan (Xavier School Nuvali Teacher) ay hindi maaalis kailan man sa aking isipan ang naging mainit nilang pagtanggap. Lubos akong nagpapasalamat sa pamilyang ito na pakiramdam ko ba’y matagal ko nang mga kilala.

From left to right: Matthew Ong, Nanay Anna Bordado, Angela Bordado (only daughter; seated at her mother’s lap), Tatay Minggoy Bordado, Mr. Marck San Juan, Aaron Ong

From left to right: Matthew Ong, Nanay Anna Bordado, Angela Bordado (only daughter; seated at her mother’s lap), Tatay Minggoy Bordado, Mr. Marck San Juan, Aaron Ong

Nagkaroon kami ng anim na grupo na binuo ng mga guro at estudyante mula sa Xavier School San Juan at Xavier School Nuvali: Team Lumaya (Student Leader: Miguel de Guzman, Mentor: Ms. Badeth Leobrera), Team Humabon (Student Leader: Derrick Chan, Mentors: Mrs. Elsa Magtibay and Ms. CJ Cruz), Team Tupas (Student Leader: Michael Orlina, Mentor: Bro. Arman Samonte, SJ), Team Lapu-Lapu (Student Leader: Jeremy Gemzontan, Mentor: Mr. Wendell de Ocampo), Team Humamai (Student Leader: Jaime Sioson, Mentor: Ms. Tintin Alcala) at Team Kulambo. (Student Leader Jose Daya, Mentor: Mr. Marck San Juan) Sa grupo ng Lapu-lapu sinama ang French Volunteer mula sa ERDA Tech na si Ms. Valentine de Dreuille. Ang nagsilbing pinuno ng lahat ng mga grupong ito ay si Ms. Perpetua Cuevas na mula sa Xavier School San Juan.

“Daghang Salamat!”
(“Maraming Salamat” or “Thank you very much” in the Cebuano Language)

+AMDG

Thanks for rating this! Now tell the world how you feel through social media. .
How does this post make you feel?
  • Appreciative
  • Excited
  • Happy
  • Inspired
  • Curious
  • Concerned

Short URL:



Be updated:

One thought on “XPLORE CEBU: Sasamahan Kita…Saan Man Magpunta

Leave a Reply

%d bloggers like this: