GK Nueva Ecija 2014: Christmas Edition

by Matthew Ong, G10
Xavier delegates with Fr. Ben Nebres, SJ

Napakasaya na ang bawat taon ay laging nagwawakas sa buwan ng Disyembre kung saan napapaloob ang panahon ng paghahanda sa pag-alala ng pagsilang ng Anak ng Diyos na si Hesukristo. Tumanda ako sa kahulugan na ang Pasko ay panahon ng bigayan at pagmamahalan. Ngunit, ang laging pumapasok sa aking isipan ay kung natupad ko ba ang tunay na diwa ng Kapaskuhan.

Nitong ika-30 ng Nobyembre, 2014, nagsagawa muli ang Xavier School ng isang pagkakataon para sa ilang mga estudyante upang bumalik sa St. Joseph’s Village, Cabiao, Nueva Ecija – Gawad Kalinga (GK) site. Kabilang ako sa mga humanga sa kanilang imbitasyon dahil imbis kami ang maghandog sa kanila ng Pamasko ay sila pa mismo ang nagbalak na kami ay handugan ng ilang programa at kainan.

Agad kaming naghanda ng mga ireregalo sa barangay ng GK. Ilang balot ng mga candy at chichirya para sa mga bata at tig-iisang gift pack na isinali sa barangay raffle para sa mga pamilya. Nakakapanabik dahil pangalawang dalaw ko na iyon sa St. Joseph, ngunit mas lalo akong nasiyahan nang malaman kong maraming baguhan na sumali at malaking bahagi noon ay ang aking mga kamag-aral mula sa Grade 10. Kaya naman hindi naging boring ang biyahe papuntang Nueva Ecija kahit na may kahabaan ito.

Bago namin tinungo ang mismong GK site, pinapunta muna kami ng Mayor at Parish Priest ng Cabiao, Nueva Ecija sa St. Joseph’s Cathedral. Ibinahagi nila ang kanilang pasasalamat sa patuloy naming pakikiisa sa pagpapaunlad ng kanilang GK. Sa kanilang mga salita namin talaga nakita ang kanilang dedikasyon sa pagbubuo ng higit pang asensadong St. Joseph.

Maaga kaming dumating sa site kaya hindi na kami nagsayang pa ng oras, at nagsimula na ng iilang trabahuhin. Hindi nagtagal ay dumating na rin si Ms April, mula sa GK Ateneo. Hanga talaga ako kay Ate April dahil halos lahat ng GK na napuntahan ko, saanman ito ay lagi siyang nariyan at handa kaming gabayan.

Iba-iba ang aming ginampanang trabaho sa site. Ang iba ay piniling sumali sa pagtulong sa pagtatapos ng mga bahay. Isa naman ako sa mga piniling makibahagi sa mga palaro sa mga bata.

Iba talaga ang tuwa ng isang tao kapag nararanasan nito ang mga bagay na hindi karaniwan sa kanilang buhay. Ganitong saya ang namasdan ko sa ngiti at tawa ng mga bata at matatanda. Sa mga palaro pa namin natuklasan kung gaano karami ang talento ng ilan sa kanilang mga kabataan. May batang babae pa na bumirit ng isa sa mga kanta ng sikat na bandang Aegis. Alam naming mga Xaverian na napakasimple lang ng mga palaro na inihanda namin, pero sapat na ito sa mga naninirahan sa GK St. Joseph para magkaroon ng isang Maligayang Pasko.

Siyempre, hindi mawawala ang isa sa mga sikat na tampok ng maraming GK Build — ang Boodle Lunch! Sa malalaking dahon ng saging, nilagay nila ang mga kanin at kinalat ang mga Adobong Manok sa gilid nito. Hindi na nagtagal ay tsigbugan na!

Bago namin tinapos ang aming pananatili sa St. Joseph ay nagkaroon ng ilang paligsahan kung saan kaming mga Xaverian, guro at estudyante, ang naging mga hurado. Nagkaroon ng paligsahan ng paggawa ng mga minatamis na pagkain at nagkaroon din ng labanan sa kung kaninong bahay ang may pinakamagandang dekorasyong pamasko.

Binigyan din ng pagkakataon ang ibang mga pamilya para sabihin ang kanilang pasasalamat sa GK. Naging mabigat sa puso ang ibang kwentong aking napakinggan lalo na sa mga pamilyang nagkwento kung saan sila nagmula. Isa na rito ang isang nanay na sinabi na dati-rati lang ay walang matulugan ang kanyang pamilya. Tila mga taong gala lang daw sila. Ngunit, nang kupkupin na ng GK ay unti-unti nang guminhawa ang kanilang buhay.

Tulad ng inaasahan, sa huli ay nagtapos kami sa isang mataimtim na dasal kasama si Father Ben Nebres, S.J. Binasbasan niya rin ang mga Christmas Tree na ginawa ng mga taga-barangay mula sa mga recycled materials. Biniyayaan ng Banal na Espiritu ng pagbabasbas na ito ang pag-asa ng pagbago para sa higit pang ikagaganda ng kinabukasan ng kanilang barangay. Masaya kaming umalis sa GK St. Joseph dahil nakapagbigay kami ng inspirasyon at tatag ng loob sa kanila.

Hindi pa tapos ang aming pakikipagsapalaran dahil tinungo pa namin ang isa pang GK site na nalalapit lamang. Tukso talaga ang biyahe na ito para sa akin para kumain nang kumain. Hindi na namin kinailangang magtrabaho sa aming pinuntahan. Ang kinailangan lang namin gawin ay kumain! Hinintuan ko ang lahat ng mga food stalls dahil libre naman ang mga ito. Libre na nga, masasarap pa!

Hindi kami gaanong nagtagal sa barangay na iyon dahil dumating kami sa kalagitnaan na ng programa. Mapalad lang kami dahil naabutan namin ang pagkanta habang pinalibutan namin ang isang malaking Christmas Tree na gawa sa mga bote ng C2. Nabighani ako nang inilawan na ito. Lumutang talaga ang himig ng Pasko. Hawak-hawak ang mga kamay kumanta kami ng “Ang Pasko ay Sumapit.”

Laking pasasalamat ko sa Diyos dahil binigyan niya kaming mga Xaverian ng pagkakataon na makasali sa isang GK sa panahon ng Pasko. Tila ang Pasko ay hindi panahon ng pagtanggap, kundi ng pagbigay ng sarili sa iba. Para sa akin, nabigyang diin ng GK Nueva Ecija ang tunay na sanhi ng saya ng Pasko. Kailanman ay hindi ito ang mga regalo. Ang tuwa sa puso ay nakukuha natin sa mga mahal natin sa buhay, ang ating mga kapamilya at kaibigan.

MALIGAYANG PASKO AT MANIGONG BAGONG TAON!

+AMDG

Thanks for rating this! Now tell the world how you feel through social media. .
How does this post make you feel?
  • Appreciative
  • Excited
  • Happy
  • Inspired
  • Curious
  • Concerned

Short URL:



Be updated:

Leave a Reply

%d bloggers like this: