Ang Karanasan Ko sa In-Plant Training

Isinulat ni Kenneth I. Domaoal, Batch 17, Class of 2015
Photo by Mr. Jeffgerarld T. Tan, Instructional Media Office Staff, FPTI – ERDA Tech

Iba pala talaga kapag naranasan mo ang pagtatrabaho. Simula noong ako ay sumalang sa aking in-plant training noong ikalawang semester ng taong pampaaralang 2014-2015, naiintindahan ko na kung bakit ganoon ang mga magulang ko. Hingi tayo nang hingi, pabili nang pabili, at kapag humihindi sila, nagtatampo tayo. Nagagalit tayo kapag utos sila nang utos.

Gigising ng ala-singko ng umaga, aalis ng ala-sais, darating bago mag-alas-otso. Kapag 6:30 ka na nakasakay, kadalasan 9:00 na ang dating sa trabaho. Huli ka na. Uuwi ng 5:00 ng hapon, at makararating sa bahay ng 7:00 o 8:00 ng gabi. Iyan ang araw-araw na nararanasan ko simula noong nag-IPT ako. Dito ko rin naranasan ang pinakauna kong pagsabit sa jeep para lang hindi mahuli sa trabaho. Hahabulin namin ng mga kasama ko sa IPT iyong jeep para maabutan lang, at kapag hindi namin naabutan, magtatawanan na lang kami.

Sa mga unang araw ko nakakatakot dahil baka kapag nagkamali ako ay masigawan ako agad. Idagdag pa iyong medyo nakakatakot na supervisor ko. Iyon nga, may nagkamali sa mga kasama ko at nakita ko kung paano nagalit ang supervisor namin. Hindi namin agad siya nakapalagayan ng loob. Araw-araw kinakabahan kami dahil baka kapag nagkamali kami ay masigawan din kami tulad ng nangyari sa isa sa amin.

Inayos namin ang trabaho namin, at doon ay nakapalagayan na namin siya ng loob. Nasasama rin kami sa meeting. Trabahador talaga ang turing sa amin. Hindi kami binabata-bata, pero kahit ganoon masaya naman. Naranasan kong umakyat sa crane para tumulong sa nag-aayos nito. Nakagamit din ako ng crane pero yung maliit lang.

Siyempre hindi palalampasin iyong allowance. Nakatutuwa noong natanggap ko iyon kasi ako talaga iyong nagtrabaho para roon. Ako ang naghirap. Iba ang pakiramdam. Masaya. Nakita kong nagbunga iyong pagod ko araw-araw. Tinitipid ko pa iyon, at siyempre, nagbigay rin ako sa mga magulang ko. Nakapagpundar din ako ng mga personal kong gamit.

Bukod sa masasaya ay mayroon din namang nakalulungkot na nangyari. Dahil sa aking pagkakamali ay nasugatan ako sa kamay at nagkaroon ito ng dalawang tahi. Simula noon ay mas nag-ingat pa ako sa pagtatrabaho.

Dahil naging abala ako sa pagtatrabaho, hindi ko namalayan na natapos na pala ang limang buwan naming IPT. Napakasaya ko dahil natapos ko iyon, ngunit nalungkot din ako dahil napalapit na sa amin ang supervisor namin at ang mga empleyado doon sa kumpanya. Dama naming maging sila rin ay nalungkot noong patapos na kami.

Hindi ko malilimutan ang mga masasayang kuwentuhan namin, at ang pag-uutos ng supervisor namin na kumuha kami ng mangga sa puno. Napakasaya ng naging karanasan ko. Marami akong natutunan at naintindihang mga bagay na tiyak na magagamit ko sa aking buhay.

Mahirap at nakapapagod ngunit masaya ang IPT. Mabuti na lamang at sa maagang edad ay naranasan ko ito. Mayroon na akong kaalaman at karanasan sa trabaho. Sa hinaharap, ako ay magiging higit na handa.

Thanks for rating this! Now tell the world how you feel through social media. .
How does this post make you feel?
  • Appreciative
  • Excited
  • Happy
  • Inspired
  • Curious
  • Concerned

Short URL:



Be updated:

Leave a Reply

%d bloggers like this: