Ang Aking Taos-Pusong Pasasalamat: An ERDAnian’s Testimonial during the Xavier Parents’ Visit to ERDA Tech

Isinulat ni Kyla A. Fernandez, Grade 10 – Kalayaan, FPTI – ERDA Tech
Photos by Mrs. Rowena B. de la Cruz, Sponsorship Program Coordinator, FPTI – ERDA Tech

Mahirap magpaaral ng anak. Mahirap magbanat ng buto, para lamang matustusan ang kailangan nila. Masakit para sa isang magulang na makitang hindi man lang makapagtatapos ang kanilang anak. Maswerte pala ako kasi, kahit hindi kaya ng aking mga magulang na ako’y pag-aralin sa ganito kagandang paaralan ay mayroong mga taong tumutulong sa akin at nagsisilbing inspirasyon ko na palaging magpatuloy sa buhay, anupaman ang taglay nitong kulay.

Ako po si Kyla A. Fernandez, nasa ika-10 baitang dito sa paaralang ERDA Tech. Hindi ko po maipaliwanag ang nararamdaman ko ngayon, sapagkat nakita ko pong muli ang mga taong may ginintuang kalooban at walang sawang tumutulong sa pag-aaral naming mga ERDAnian. Dahil po sa inyo, marami akong naranasang iba’t ibang oportunidad, marami akong natutunan, nakikini-kinikita ko na rin po ang maaaring maging kinabukasan ko, sa pamamagitan ng pag-aaral ko rito sa ERDA Tech.

Masasabi ko pong nagkaroon na ako ng mga parangal sa mga asignatura at malaking karangalan po sa akin na maging Honorable Mention sa aming baitang. Isang pangkaraniwang mag-aaral po ako. Maraming kaibigan ang gumagabay sa akin. Mahilig din po akong magbasa ng libro at talagang ako’y isang bookworm. Madalas mayroong mga pagsubok na kinakailangan ko pong daanan, pero kinakaya ko naman po. Karaniwan na rin po siguro ang problema sa buhay.

Sabi nga po ng aking mga magulang, hindi lang daw po ako mapalad; napakapalad ko pa raw po, sapagkat ang ERDA ay hindi lamang simpleng paaralan. Hindi man sikat sa ibang tao pero may ibubuga talaga ito. Dito po sa ERDA, kahit maliit ang espasyo at kadalasang kulang sa mga pasilidad, kinakaya naman po naming pantayan ang standards ng mga naglalakihan at prestihiyosong paaralan. Dito po sa aming minamahal na paaralan, natutunan kong linangin pa ang kakayahan ko. Higit sa lahat, natutunan kong maging responsable pa at pahalagahan ang oras at gamitin ito nang tama, na kadalasang suliranin din ng mga mag-aaral na tulad ko.

Sa kasalukuyan, ako po ay nasa Student Body Organization o ang Student Council ng aming paaralan, bilang isa sa mga Support Group Members nito. Ang Support Group Members po ng SBO ay ang mga hindi pinalad na manalo sa eleksyon. Naniniwala po kasi ang aming paaralan na kahit kami ay hindi nanalo, mayroon pa rin naman kaming maitutulong sa pag-unlad ng paaralan. Ngayon po ay nasa ikalawang taon na ako sa SBO at ito po talaga ang isa sa mga hamon ng buhay-estudyante ko. Mahirap po kasing maghati ng oras at humawak ng napakalaking responsibilidad na hindi ko naman po kinasanayan dati, lalo na po noong gumawa ako at ang iba pang SBO Officers noong nakaraang taon ng mga proposals para sa aming mga school activities, tulad ng Appreciation Day para sa mga guro at kawani ng paaraalan. Ang isa sa mga pinakapaborito kong proposals ay ang para sa Christmas Party. Masaya po ako noong natapos ito at naging isa po ito sa mga magagandang karanasan ko sa SBO. Ito ay isang hamon na nagbigay sa akin ng kalinawan, kung ano ang maaari kong tahakin sa buhay sa mga darating na panahon.

Hindi lamang po SBO ang nagbigay sa akin ng pagkakataon upang magkaroon ng saya sa buhay ko bilang isang estudyante. Madalas din po akong naisasama sa mga gawain sa labas ng paaraalan. Halimbawa na lang po ay noong nakasama ako sa TEDx Xavier School. Ito po siguro ‘yong kauna-unahang gawaing panlabas kung saan nakasama ako, kaya ito po ang pinaka-memorable sa akin. Ang TEDx po kasi ay isang conference kung saan maraming bagay ang matututunan, tulad na lamang po sa aming buhay, kung paano pa ito pauunlarin at mabibigyang-halaga. Sinundan naman po ito ng mga gawain sa pangunguna ng Days with the Lord-Torch. Marami po akong nakilalang mga Kuya at Ate na galing po sa Xavier School at marami rin po silang itinuro sa amin tungkol sa buhay-buhay na maaaring makapag-alab ng aming mga puso sa mga susunod na panahon. Tinuruan po nila kaming magkaroon ng pag-asa sa buhay, tumingin sa malayo upang makita ang aming kinabukasan, at higit sa lahat, maging positibo sa buhay at laging magdasal sa ating Panginoon. Sa ngayon, masayang-masaya po ako, dahil pinagkatiwalaan ako ng aming paaralan upang makasama rito at ipakita ang tunay na kahulugan ng pagiging isang ERDAnian.

Hindi lang po iyon ang naging mga karanasan ko. Nagulat din po ako, dahil may libreng sapatos na ipinamimigay sa amin. Ang alam ko lang po kasi noong nasa ikapitong baitang ako ay isang simpleng mag-aaral at isang iskolar ako, ngunit hindi ko po inaasahang may mga ganitong biyaya kaming matatanggap. Napakalaking tulong din po iyon sa aming mga mag-aaral. Pero ang isa po talagang nagbigay-ngiti sa aming labi ay ang taon-taong Christmas Basket o ang Noche Buena package na galling naman po kay Atty. Charlemagne Yu na siyang Chairman of the Board ng ERDA Foundation, Inc. Maging ang mga magulang namin ay walang pagsidlan ng saya kapag inuuwi na namin ito sa aming mga bahay. Madalas nga po, pinagtitinginan kami ng mga tao, sa kalye man, o sa loob ng jeep, kasi may hawak kaming isang basket na punong-puno ng panghanda para sa Pasko. Tulad nga po ng sinabi ko kanina, maliit lang po ang aming paaraalan, pero lubos-lubos ang aming mga biyayang natatanggap mula sa mga taong may busilak na kalooban, tulad po ninyo.

Napakahirap po talaga ng buhay ng isang estudyante. Minsan, naisip ko nang bumitiw sa pagkakahawak ko sa tali ng pasensya. Madalas na sinisisi ko ang aking sarili, kung bakit ako nagkamali. Gayunpaman, sa tuwing sumasagi sa isipan ko na mayroong mga taong tumutulong sa akin, pinipilit ko pong kumapit at ituloy ang buhay dahil hindi po laging nasa tuktok tayo. Dapat ding bumaba tayo kahit minsan lang at matutunan ang leksyon ng buhay. Nakakahiya rin po kasi na may mga mabubuting loob na walang sawang tulungan ka at hindi mo man lang maibabalik ang itinulong nila, kahit na sa maliit na paraan lamang.

Bago pa man po matapos ang pagkakataon kong magsalita sa inyong harapan, hayaan niyo po ako na magpasalamat sa inyo. Salamat po. Kung hindi dahil sa inyo, wala ako sa inyong harapan at marahil ako’y nasa isang paaralan na maraming kabataang pariwara sa buhay. Salamat po, at binigyan ninyo ako ng isang pagkakataon na maaring isang beses lamang maganap sa buhay ko, tulad ng makapag-aral sa ganitong paaralan. Salamat din po, at binigyan ninyo kami ng oras at idinagdag sa inyong responsibilidad. Salamat po, at binigyan ninyo kami ng pag-asa na makapagtapos kami ng pag-aaral at matupad ang mga hangarin namin sa buhay. Higit sa lahat, salamat po, at hinayaan ninyo kaming pumasok sa buhay ninyo at gawin kayong inspirasyon. Nawa’y makatulong pa po kayo sa iba, tulad ng pagtulong ninyo sa amin. Sana po, sa malapit na hinaharap ay makatulong din ako sa ibang nangangailangan, katulad ng inyong ginagawa sa amin sa kasalukuyan. Gabayan po sana kayo ng ating Panginoon at bigyan Niya pa kayo ng napakaraming biyaya sa buhay. Isang mapagpala at magandang umaga po sa inyong lahat.

DSC_0295-1

Thanks for rating this! Now tell the world how you feel through social media. .
How does this post make you feel?
  • Appreciative
  • Excited
  • Happy
  • Inspired
  • Curious
  • Concerned

Short URL:



Be updated:

Leave a Reply

%d bloggers like this: