Parabula ng Liwanag

Isinulat ni G. Abner Dormiendo, Guro ng Filipino
Litrato mula kay G. Marvin Ong, Guro ng Araling Panlipunan

Ang sumusunod ay tungkol sa kakatapos lamang na pagdiriwang ng Jesuit Heritage Days sa Paaralang Xavier Nuvali.

Tinungo ko ang bundok
at naghanap ng kasagutan
sa aking kawawaan

at imbis na pantas, bituin
ang sumalubong sa akin,
sanlaksang nakasabog

sa aking panimdim.
At sa isang iglap, ako’y nanliit
sa nasaksihang hiwaga—

Ano ba ako kundi
isang hamak na liwanag
sa bibig ng dilim,

isang munting silab
na lumalaban sa aninong
lumalamon sa akin?

Ano ba ako kundi
isang hamak na kislap
sa pisngi ng gabi,

isang kandilang ligaw
na kinakampay ang katawan
sa daluyong ng lagim?

Ano ba ako kundi
isang munting tala
sa lambong ng takipsilim,

mga bituing mistulang tuldok
na naglalaho sa mukha
ng walang-hanggang tiniblas?

Bumaba akong lugami sa bundok
at isinuko ang katanungan
sa katahimikan ng hangin.

At imbis na sagot, ginhawa
sa kawalang-kasagutan
ang dumatal sa aking dibdib.

Nakita ko ang akong
nasasalamin sa patak ng hamog:
ang sinag ng araw na nababasag

sa bawat nadaraanang butil.
Tama nga ang pantas:
ang liwanag ay liwanag din,

gaano man kamunti o kalamlam,
na may mas malaking liwanag
na nagbibigay-buhay sa akin,

kaya isinuko ko ang munting sindi
ng kaliit-liitan kong puso
sa dakilang lagablab ng hiwaga—
Ano nga ba itong takipsilim
sa isang munting tala?
Ano nga ba ang lagim

sa kislap ng isang kandila?
Ano nga ba ang bibig ng dilim
sa isang hamak na liwanag?

Sa tingin ko, isang napakalaking kahinaan ng tao ang akalaing ang kaliitan ay isang katangiang hindi kanais-nais. Madalas nating naihahalintulad ang kaliitan sa kahinaan, sa kawalan ng halaga. Palibhasa’y madaling makalimutan, maisantabi, mabilis mabalewala dahil katiting lang. Kaya marami sa atin ang nagnanasang maging malaki, maging dakila sa kabila ng kadawagan ng ating munting buhay. Kaya naman madalas tayo’y nabibigo, at masakit kung magkagayon, lalo na kung pilit nating isinisiksik itong ating kalakihan sa ating katauhan, na ayon nga sa kanta, ay bahagi lang ng kalawakan ng mga bagay—the greater scheme of things. Pinagmumukha tayong walang-halaga dahil maliit, balewala dahil munti, mahina dahil katiting lamang.

Ngunit, tulad ng natutuhan ko sa aking pakikisalamuha sa mga Heswita’t pag-alam sa kanilang pamumuhay, hindi porke’t maliit ay wala nang silbi. Sa tingin ko iyon nga ang tinatawag nilang finding God in all things, kahit na sa small things. Na anumang maliit basta’t taos sa puso’t ginawa sa ngalan ng Diyos ay laging dakila, laging higit pa sa atin, at siguradong may bahagi sa kalawakan ng mga bagay.

Hindi dahil maliit ang liwanag ay hindi na ito makapapatay ng dilim. Minsan, dito tayo nagsisimula, sa isang munting ningas, na silaban ang sanlibutan.

Thanks for rating this! Now tell the world how you feel through social media. .
How does this post make you feel?
  • Appreciative
  • Excited
  • Happy
  • Inspired
  • Curious
  • Concerned

Short URL:



Be updated:

Leave a Reply

%d bloggers like this: