Araw ng Wika: Ipinagdiwang ng mga Kabataang Pinoy

Isinulat ni Bb. Caselyn Ponon (guro sa ikalawang baitang)

Tunay na masaya kapag sama-sama! Kaya naman sa taong ito, ipinagdiwang ng mga mag-aaral mula sa Ikalawang Baitang ang kanilang Araw ng Wika kasama ang lahat ng nagtipun-tipong mga kasapi ng Mababang Paaralan ng Paaralang Xavier noong ika-17 ng Agosto.

2

Inilunsad sa nasabing araw ang Linggo Filipino na may temang “Wikang Filipino: Wika ng Batang Aktibo.” Sinimulan ng Ikalawang Baitang ang araw ng pagdiriwang sa isang palatuntunan sa MPC kung saan nagkaroon muna ng isang Prayer Service para sa Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ng Inang Maria na pinangunahan ni Fr. Munching de Guzman, SJ. Matapos nito ay binuksan ang pagdiriwang ng Linggo Filipino ni Gng. Ivy Enaje, Puno ng Kagawaran ng Filipino, sa kanyang pambungad na pagbati.

Hinandugan naman ng St. Francis Xavier Crablets, ang koro mula sa mga mag-aaral sa Ikalawang Baitang, ng isang awiting Filipino ang mga tagapakinig. Hindi rin mawawala ang pakikinig sa kuwentong Pinoy kaya naman sa tulong ng GS LRC, naimbitahan si G. Jay Menes, isang kuwentista mula sa Adarna House, upang ibahagi sa mga mag-aaral ang kuwentong “Ano’ng Gupit Natin Ngayon?” ni Russell Molina.

Meryendang salu-salo naman ang kasunod ng maikling palatuntunan. Masayang ibinahagi ng mga mag-aaral sa kanilang mga guro at mga kaklase ang mga dala nilang pagkaing Pinoy habang nanonood ng mga kuwento sa wikang Filipino. Sinundan ito ng palatuntunan sa quadrangle na pinaghandaan ng lahat—ang “Sayawan at Pistahan” ng Mababang Paaralan. Bilang pakikibahagi sa pagdiriwang ay nagtanghal ang lahat ng mga mag-aaral sa Ikalawang Baitang ng isang sayaw sa saliw ng awit na “Kabataang Pinoy.”

Talaga namang hitik sa mga gawain ang araw na ito dahil pagdating ng hapon, isa pang palatuntunan ang ginanap sa Lecture Hall para sa mga mag-aaral. Umawit ng mga kantang Filipino ang ilang piling mga bata mula sa iba’t ibang seksyon. Makabuluhan din ang tula tungkol sa pagiging KidListo na ibinahagi ng iba pang mga mag-aaral. Naging masigasig din ang lahat nang nasubok pa ang galing nila sa pagbabaybay ng mga salita sa wikang Filipino sa ginanap na Spelling Bee. Nagkamit ng pinakamaraming puntos at nanalo sa paligsahan sa pagbabaybay ang Seksyon D. Nagwakas ang palatuntunan sa hapon sa isang mensahe ng pagbati mula kay Gng. Orqueza, Team Leader ng Ikalawang Baitang, at sa pag-awit ng Luceat Lux.

Timpalak KidListo ng Ikalawang Baitang naman ang itinampok sa Tanghal Tanghalian sa Linggo Filipino noong ika-20 ng Agosto. Dito ay nagpamalas ng galing sa pagpapakilala ng sarili at pagsagot sa tanong sa wikang Filipino ang mga kinatawan ng bawat seksyon. Ang mga batang nanguna sa Timpalak KidListo at ginawaran ng pagkilala sa General Assembly noong ika-28 ng Agosto bilang tanda ng pagtatapos ng Buwan ng Wika ay sina Justin Caelen Ilao (2E) – Unang Gantimpala, Jacob Angelo Agcaoili (2F) – Ikalawang Gantimpala, at Ariel Andrei Kaw (2H) – Ikatlong Gantimpala. Nagpamalas din ng kahusayan sa nasabing timpalak sina Cole Anderson Ty (2A), Matthew Alexander Ong (2B), Kyle Sebastian Ching (2C), Kurt Andrew Ng (2D), at Clint Lance Villanueva (2G).

Ang naging pagdiriwang na ito sa buwan ng Agosto ay nagsilbing paalala sa pagiging buhay at pagiging dinamiko ng wikang Filipino. Masayang nagwakas man ang Buwan ng Wikang Pambansa, ang alab ng pagkilala at pagkatuto sa sariling wika ng mga kabataang Pinoy ay hindi naman mawawala. Bilang mga KidListo, patuloy pang ipamamalas ng mga kabataang Pinoy na ito ang pagiging aktibo at ang kanilang pagmamahal at pagpapahalaga sa wikang Filipino!

Thanks for rating this! Now tell the world how you feel through social media. .
How does this post make you feel?
  • Appreciative
  • Excited
  • Happy
  • Inspired
  • Curious
  • Concerned

Short URL:



Be updated:

Leave a Reply

%d bloggers like this: