Ano ang Katapangan?

Ang mensahe na ito ay ibinahagi ni G. Julius Denosta, guro ng Filipino sa Mababang Paaralan ng Xavier, noong ika-18 ng Agosto 2015 sa Grade School General Assembly.

Magandang umaga. Ako si Ginoong Denosta. Narito ako upang ibahagi sa inyo ang ilang mga ideya tungkol sa katapangan.

Kapag tinitingnan natin ang mga mukha ng mga bayaning Pilipino, ano ang pumapasok sa isip ninyo? Maaari nating sabihin na sila ay mahuhusay sa kanilang larangan o gawaing pinili, o di kaya ay nagpakita ng kabutihan sa kapwa Pilipino. Ngunit ang mga bayaning ito ay mas naaalala natin dahil sila ang mga nagsisilbing halimbawa ng katapangan — mga Pilipinong matibay ang loob.

Ano ba ang katapangan? Ito ay ang pagkakaroon ng lakas ng loob na humarap sa mga hamon o pagsubok sa buhay. Ito ay ang pagsasabi ng “Kaya ko ‘to!” kahit ang gawain ay mahirap, kahit na ito ay nakakatakot, at kahit mayroon itong mabigat na kapalit.

Ang katapangan din, ayon sa ating pambansang bayaning si Gat Jose Rizal sa kanyang liham sa mga binibini ng Malolos ay “ang pagsunod sa kung ano ang tama at matuwid, ano man ang mangyari”. Ito ang ipinakita ni Benigno “Ninoy” Aquino nang ibinigay niya ang kanyang buhay para ipaglaban ang kalayaan ng ating bansa. Mula Amerika, pinilit niyang bumalik sa Pilipinas para tumulong sa pag-aayos ng magulong pamahalaan ng ating bansa. Ginawa niya ito kahit na alam niyang siya ay mamamatay kapag bumalik siya sa Pilipinas. Ginawa niya ito kahit ang desisyong ito ay mahirap, kahit na ito ay nakakatakot, at kahit na ang kapalit nito ay ang kanyang buhay. Kaya sa darating na Biyernes, isipin natin at balikan ang kabayanihang ipinakita ng dakilang si Ninoy Aquino.

Hayaan niyong ibahagi ko naman ang sarili kong karanasan kung saan nasubok ang aking lakas ng loob. Apat na taon na ang nakararaan, ako ay napasama sa isang programa kung saan ako ay ipinadala sa katimugang bahagi ng bansa, ang Mindanao. Sa loob ng isang Linggo, kami ay nagturo sa mga kapatid nating Muslim sa Maguindanao at mga bata mula sa tribong Lumad ng Hilagang Cotabato. Masaya ang aming naging karanasan ngunit hindi ito naging madali. Sa Hilagang Cotabato, dalawang oras ang kailangang lakarin para makapunta sa bundok na tirahan ng tribong Lumad. Dalawang oras na paglalakad sa mabato at maputik na daan habang bumubuhos ang malakas na ulan, bitbit ang lahat ng gamit at tig-dalawang galon ng tubig na aming inumin. Sa umaga, kailangan mag-igib ng tubig at buhatin ang timba papunta sa banyo para ako ay makaligo. Sa gabi, kung saan madilim dahil walang kuryente sa kabundukan ay makikita ang maliliit na liwanag mula sa mga kandila na ginagamit para makapag-usap at makakain, habang nagkakamot dahil sa mga lamok na pilit kumakagat sa aming balat.

Ang karanasang ito ay wala sa aking “comfort zone”. Kung ako ang tatanungin, maraming beses ko ring sinabi sa aking sarili na “Ano ba ang pinasok ko?” at “Ayoko na!” Madali na lang sumuko para hindi na ako mahirapan pa. Ngunit pumasok din sa isip ko ang mga batang gustong matuto kung paano magbilang at sumulat. Mga batang naglakad din ng dalawang oras para makapunta sa paaralan na walang suot na tsinelas at gutom na gutom dahil sa mahabang lakaran. Kung susuko agad ako, paano na ang mga batang ito? Paano sila matututo? Kaya naman nagpatuloy kami sa dapat gawin kahit ito ay mahirap, kahit nakakatakot at kahit mayroon itong kapalit. Sa huli, walang-wala ang mga paghihirap na ito kung ikukumpara sa mga ngiti sa mukha ng mga batang aming nakasama. Wala ito kumpara sa kwento ng batang marunong na magbilang at makabasa ng Filipino.

Ikaw, kaya mo rin bang magpakita ng lakas ng loob sa simpleng paraan? Oo naman! Magpapakita ka ng katapangan kung “Opo!” ang sagot mo sa lahat ng pagkakataong matuto. Sa pag-aaral, kung kayo ay may pagsubok sa klase, sa halip na isipin mong “Naku! Imposibleng magawa ko ito!” ay bakit hindi ka maniwala sa iyong galing at sabihing “Kaya ko’to!” Kung ikaw ay nagkamali sa unang beses, pwedeng-pwedeng sumubok muli hanggang sa makuha mo ito. Kung ikaw ay nahihirapan na sa mga aralin at gusto mong sabihing “Ayoko na!”, isipin mong mabuti ang mga magiging kapalit ng iyong paghihirap at baka balewala iyon sa mga magagandang bagay na naghihintay sa’yo. Tulad nga ng sabi ni Robin Padilla, “Think positive! Walang aayaw!”

Panghuli, marahil ay tinatanong niyo ngayon sa inyong sarili, “Saan ako kukuha ng lakas ng loob?” Sabi ni Lao Tzu, “ang kaalaman na may nagmamahal sa’yo ang nagbibigay ng lakas para gawin ang isang bagay, at ang pagmamahal sa isang tao ay nagbibigay naman sa’yo ng lakas para maging matapang.” Sa panahon na kinakailangan natin na magpakita ng katapangan, sana ay lagi nating isaisip na ang pagmamahal ng Diyos, ng ating mga magulang, at ng mga kaibigan ang pwede nating mapagkunan ng lakas ng loob para gawin ang tama — na sila ay lubos na matutuwa kapag tayo ay naging matapang kahit ang dapat gawin ay mahirap, kahit na ito ay nakakatakot, at kahit mayroon itong mabigat na kapalit.

Maraming salamat sa inyong pakikinig.

Thanks for rating this! Now tell the world how you feel through social media. .
How does this post make you feel?
  • Appreciative
  • Excited
  • Happy
  • Inspired
  • Curious
  • Concerned

Short URL:



Be updated:

Leave a Reply

%d bloggers like this: