#WikangFilipinoWikaNgBatangAktibo — Ang Pagdiriwang ng Kinder ng Buwan ng Wika

Isinulat nila Joanna Miravite, Kinder 3 Class Adviser at Krisa Lina, Kinder G Class Adviser    

Isang buong linggo ng Agosto ang inilaan upang ipagdiwang ng mga mag-aaral ng Kinder ang Buwan ng Wika. Noong Agosto 17-20, 2015, iba’t ibang mga gawaing nagpapakita ng pagpapahalaga sa wikang Filipino at kulturang Pilipino ang inihanda para sa mga mag-aaral. Ang bawat araw ng linggong ito ay puno ng makabuluhang mga gawaing nagpamulat na sa mga mag-aaral sa mayamang kultura ng ating bansa.

Agosto 17 (Lunes)

Umpisa pa lamang, naging makulay na ang paglulunsad ng Buwan ng Wika. Ang mga mag-aaral ay nanood ng mga bidyo tungkol sa alamat ng pinya, lansones, at duhat upang paigtingin ang kahalagahan ng kagandahang asal. Pagkatapos ay gumawa sila ng isang likhang kamay na mga banderitas upang gawing dekorasyon sa palibot ng EED. Tunay na parang pista ang simula ng Buwan ng Wika!

Nagpatuloy ang araw ng Kinder kasama ang ibat-ibang baiting mula sa Grade School upang sabay-sabay masaksihan ang isang pagtatanghal. Ito ang unang pagkakataon na ang mga mag-aaral ng Kinder ay nakasama at lumahok sa pagdiriwang kasama ang ibang mga baitiang!

Matapos ang ilang pagtatanghal ng iba’t ibang baitang, naging oras din ng Kinder upang itanghal ang awit at sayaw na Tong, Tong, Tong na kanilang pinaghandaan ng mga nakaraang linggo. Mainit ang panahon, ngunit hindi ito naging balakid sa pakikiisa at pagbabahagi ng Kinder sa Buwan ng Wika. Buong gilas na sumayaw at buong lakas na umawit ang mga mag-aaral ng Kinder habang masayang nanood ang mga iba pang mag-aaral at guro ng Grade School. Kayang-kaya na talaga ng Kinder makipagsabayan sa kanilang mga kuya sa Grade School!  Mahusay, mga mag-aaral ng Kinder!

1

Agosto 18 (Martes)

Isang salo-salo naman ang naganap noong araw na ito. Kapansin-pansin ang kagalakan sa mga mukha ng mag-aaral ng Kinder pagpasok nila dala-dala ang iba’t ibang pagkaing Pilipino. Parang pista ang naging tema sa palaruan ng EED naging dahil sa mga banderitas na nakasabit sa labas ng mga silid-aralan, sa tugtuging Pilipino, at sa sari-saring masasarap na pagkaing nakahain sa mga banig ng bawat seksyon.

Isa-isang ibinahagi ng mga mag-aaral  sa kanilang mga kaklase ang isang trivia tungkol sa kani-kanilang dalang pagkain. Pagkatapos nito, sa wakas, kainan na! Bumuo ng isang malaking bilog ang mga mag-aaral sa paligid ng kanilang banig at naghandang kumain ng mga pagkaing dala ng isa’t isa. Bagamat kailangan ng ibang mga bata ng paghihikayat na tikman ang iba’t ibang pagkain, naging masaya at kawili-wili ang kainan ng Kinder. Ilan sa mga nagustuhan at naging paborito ng mga mag-aaral ay ang chicharon, ensaymada, squid balls, turon, puto at kamote cue. Talaga nga namang naging masarap at matagumpay ang gawaing ito. Sana nabusog kayo, Kinder boys!

4

Agosto 19 (Miyerkules)

Nadagdagan ang kaalaman ng mga mag-aaral sa panitikang Pilipino sa pamamagitan ng panonood ng isang dula na inihanda ng mga guro ng LRC. Makulay na entabladong pinalamutian ng mga halaman at iba pang dekorasyon ang sumalubong sa mga mag-aaral sa kanilang pagpasok sa Lecture Hall. Namangha ang mga bata sa pakikinig sa kuwentong “Si Langgam at Tipaklong” na binigyang buhay nina Teacher Tor at Teacher Niño. Labis na naeengganyo ang mga bata sa panonood ng dula dahil sa mahusay na pagganap ng mga tauhan na sinabayan pa ng paggamit ng angkop na lighting at sound effects. Masigabong palakpakan ang ibinigay ng mga mag-aaral ng Kinder sa mga guro ng LRC bilang pasasalamat sa mahusay na pagtatanghal.

Matapos ang dula ay nagkaroon ng Leaf Art Activity ang mga mag-aaral bilang pagpapayabong na gawain. Ang bawat isa sa kanila ay binigyan ng dahong ibabakat sa papel gamit ang pangkulay. Pagkatapos ay ginuhitan nila ito ng langgam at tipaklong. Ang dahong ito ang nagsilbing bahay ng mga nasabing insekto na mga tauhan sa dula. Nalinang ng gawaing ito ang pagkamalikhain ng mga mag-aaral. Sa pamamagitan din ng kuwento nina Langgam at Tipaklong ay natutunan ng mga bata ang kahalagahan ng pagiging masipag at ng pagtulong sa kapwa. Para sa mga mag-aaral ng Kinder, nawa’y lagi ninyong maisabuhay ang napulot ninyong mga aral!

6

Agosto 20 (Huwebes)

Bilang pagtatapos ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika, nagkaroon ng center time ng mga palarong pinoy ang mga mag-aaral ng Kinder na may temang “Pista ng mga Kulay”. Isa sa mga layunin ng gawaing ito ang maipadama sa mga mag-aaral ang sayang naidudulot ng pagdiriwang ng pista. Iba’t ibang larong Pilipino gaya ng agawang panyo, luksong tinik, at puto’t kutsinta ang isinagawa ng mga bata. Sa pamamagitan nito ay nabigyan sila ng pagkakataong maranasang laruin ang ilan sa mga larong PIlipinong kinagigiliwan ng mga kabataan mula pa noon.

Kitang kita ang pagkasabik at kasiyahan sa mga mag-aaral habang isinasagawa ang nasabing mga laro. Maririnig ang tawanan at sigawan ng mga bata habang nakikipaglaro sa kanilang mga kamag-aral. Pagkatapos nito ay binigyan ng award cards ang bawat mag-aaaral bilang pasasalamat sa paglahok sa mga gawain. Bagamat pagod ay umuwing masaya ang mga bata bitbit ang mga magagandang alaala at mga bagong kaalaman tungkol sa kulturang Pilipino.

Tunay ngang naging matagumpay at makabuluhan ang linggong ito para sa mga mag-aaral ng Kinder. Bukod sa pagbibigay sa kanila ng pagkakataong magsaya at makiisa sa kanilang mga kamag-aral, nilinang din ng mga gawaing nabanggit ang kaalaman ng mga bata tungkol sa sariling bansa. Mas namulat sila sa kahalagahan ng wikang Filipino at sa mayamang kultura ng Pilipinas. Sa pagdiriwang ng Kinder ng Buwan ng Wika, natutunan ng mga bata na tunay ngang masayang maging Pilipino!

Thanks for rating this! Now tell the world how you feel through social media. .
How does this post make you feel?
  • Appreciative
  • Excited
  • Happy
  • Inspired
  • Curious
  • Concerned

Short URL:



Be updated:

Leave a Reply

%d bloggers like this: