Wika at Kasaysayan: Mga Kayamanan ng Bayan

ni Jonathan S. Lacson, Pangalawang Punong-Guro para sa Pormasyon, FPTI - ERDA Tech
Mga Litrato kinuha ni Rowena B. Dela Cruz, Sponsorship Program Coordinator, FPTI – ERDA Tech

Noong Biyernes, ika-3 ng Setyembre, 2016, masayang ipinagdiwang ng pamayanang ERDA Tech ang pagtatapos ng Buwan ng Wika at Kasaysayan. Sa mga nagdaang linggo bago rito, nagkaroon ng sari-saring gawain ang paaralan upang higit na maunawaan at mahalin ng mga kasapi sa pamayanan, lalung-lalo na ang mga mag-aaral, ang wika at kasaysayang Pilipino. Kabilang sa mga ito ay ang madulang pagbasa ng tula, patimpalak sa pag-awit, pagsulat ng sanaysay, paglikha ng poster, pagtatalumpati, at sabayang pagbigkas.

Sa araw ng pagwawakas ng Buwan ng Wika at Kasaysayan, buong galak na tinungo ng mga mag-aaral, guro, kawani, at alumni ang roof deck ng paaralan pagkatapos ng tanghalian upang masaksihan ang mga magaganap. Nagkaroon ng grand finals ang patimpalak sa pag-awit kung saan itinanghal na kampeon si Charlene Verzosa ng Grade 11 – Saint Lorenzo Ruiz. Binasa naman ng guro ng Agham na si Bb. Hazelyn Verdejo ang isang tula tungkol sa pag-ibig na kanyang isinulat. Nagpaligsahan din sa pagsasayaw ang iba’t ibang pangkat. Ang tema ng patimpalak na ito ay ang mga festival o pista sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa: Panagbenga ng Baguio City (Grade 11 – Saint Pedro Calungsod), Bangus ng Dagupan City (Grade 11 – Saint Lorenzo Ruiz), Masskara ng Negros (Grade 10 – Kapayapaan), Lansones ng Camiguin (Grade 11 – Saint Dominic Savio), at Kadayawan ng Davao (Grade 10 – Kalayaan). Ang nanalo sa paligsahang ito ay ang pangkat ng Grade 11 – Saint Dominic Savio na nakakuha na bukod sa sertipiko at tropeo ay nabigyan din ng premyong salapi mula sa isa sa mga alumni na hurado.

Pagkatapos ng mga gawain sa roof deck ay bumaba ang lahat at nagpunta sa Saint Ignatius Hall at sa basketball court para sa salu-salo. Ang bawat pangkat ay nagdala ng mga pagkain at inuming Pilipino para sa merienda sa hapon. Upang higit na maging masaya ang selebrasyon, nagkaroon ng palaro, ang basagan ng palayok.

Kay gandang pagmasdan ng pamayanang ERDA Tech. Namayani ang ligaya at pagkakaisa sa kanilang pag-alala at pagbibigay-halaga sa mga tunay na yamang Pilipino: ang ating wika at ang ating kasaysayan.

 

Thanks for rating this! Now tell the world how you feel through social media. .
How does this post make you feel?
  • Appreciative
  • Excited
  • Happy
  • Inspired
  • Curious
  • Concerned

Short URL:



Be updated:

Leave a Reply

%d bloggers like this: