Buwan ng Wika, Ipinagdiwang!

isinulat ni Jermaine Tan, 5E
Litrato nina Ian Chua, JM Sing at Joshua Hwang ng XS Grade School Media Team

Tampok ang makukulay na pista sa Mindanao, ipinagdiwang nang Paaralang Xavier ang Buwan ng Wika noong Agosto 23, 2016 na may temang “Wikang Filipino: Tulay ng Kapayaan at Kaunlaran sa Mindanao.”

Nakisaya ang mga mag-aaral, guro, at mga tagapamahala ng paaralan sa pamamagitan ng iba’t ibang gawaing nagpapakita ng kultura ng mga bayan sa Katimugang Pilipinas.

Sinimulan ang pagdiriwang sa isang misa bilang pag-alala sa kapistahan ni San Alberto Hurtado Cruchaga, Kapisanan ni Hesus mula sa Chile. Sa pagtatapos ng misa nagsimula ang pagsasalu-salo ng bawat klase tampok ang mga pagkaing Pinoy.

Inabangan din ng lahat ang pagtatanghal ng bawat baitang sa Sayawan at Pistahan na binuksan nang Pagpasok ng Vinta, isang uri ng bangkang may makulay na layag na ginagamit ng mga Sama Badjao at ng iba’t ibang pangkat etnikong Muslim ng Sulu at Zamboanga.

Binuksan ang programa ng Igal Pansak, isang tradisyunal na sayaw na ipinakita ng grupong Igal Niluguhan na binubuo ng mga Sama Badjao at Sama Bangingi mula sa San Andres, Maynila. Pagkatapos nito, nagbahagi rin sila ng mga kaalaman tungkol sa kanilang lahi at mga palaro sa isang cultural exposition para sa ikalima at ikaanim na baitang na isinagawa sa MPC.

Humataw sa saliw ng musika ng iba’t ibang kapistahan sa Mindanao ang mga mag-aaral sa bawat baitang. Ipinamalas ang mga sayaw tulad ng Kadayawan ng ikatlong baitang, Kaamulan ng ika-apat na baitang at Kalilangan ng ika-limang baitang.

Nagpakita rin ng isang sayaw ng pakikidigma ang mga mag-aaral mula sa ika-anim na baitang na sinundan ng sayaw gamit naman ang arnis.

Samantala, nagkaroon din ng iba’t ibang gawain ang bawat baitang sa Tanghal Tanghalian na naganap noong Agosto 24-31. Kabilang dito ang paghahanap sa Batang Kidlisto ng Ikalawang baitang, Tulaan ng Ikatlong Baitang, Kakasa ka ba sa Ikalawang Baitang? (Quiz Bee) ng Ika-apat na baitang, Awit ng Bubuyog (Singing Bee) ng Ika-limang baitang, at Tawag ng Tanghalian ng Ika-anim na baitang.

Kaalinsabay din ang iba’t ibang gawaing inihanda sa Kinder at Unang baitang kagaya nang Kainang Pinoy, Larong Pinoy at Kuwentuhan sa Filipino. Nagkaroon naman ng Kuwentuhang Pampamilya ang Ikalawang baitang at Sabayang Pagbigkas ang Ikatlong baitang.

Layunin ng mga gawaing ito na makilala ng mga mag-aaral ang makulay at iba’t ibang mukha ng kultura ng Mindanao. Isa rin itong pagkakataon ng mga mag-aaral na mas mapayaman ang kanilang pagka-Pilipino. Higit sa lahat, layunin ng pagdiriwang na ito na magamit ang wikang Filipino bilang instrumento ng kapayapaan at kaunlaran.

Thanks for rating this! Now tell the world how you feel through social media. .
How does this post make you feel?
  • Appreciative
  • Excited
  • Happy
  • Inspired
  • Curious
  • Concerned

Short URL:



Be updated:

Leave a Reply

%d bloggers like this: