Paglilingkod – Homiliya sa Kapistahan ni San Ignacio ng Loyola

Photos by Mr. Luke Santos (HS Social Science teacher) and Terence Ng (10A)

Ang sumusunod na homiliya ay ibinahagi ni Fr. Roseller Atilano, SJ sa pagdiriwang ng Banal na Misa sa Kapistahan ni San Ignacio ng Loyola sa Xavier School Nuvali noong 28 Hulyo 2017.

Magandang umaga sa inyong lahat!

Ako si Fr. Ro Atilano, SJ.  Naordinahan ako ni Cardinal Tagle bilang isang pari noong ika-3 ng Hunyo kasama ang 3 pang bagong pari.  Kaya ako ay isang baby priest pa lang! Noong maliit pa ako, nagtampo ako dahil ang kaarawan ko ay laging nasa unang linggo bago ang magpasukan. Nainggit ako sa aking mga kaklase na nakapagdiwang ng kaarawan nila kasama ang mga kaibigan. Wala pang cellphone o Facebook noon.  Pero ngayong taon, sa ika-37 kaarawan ko mismo ako naordinahan bilang pari. Sobrang bawi naman si Lord sa akin. Ibang klase talaga sumorpresa si Lord.

Ngayong araw, habang ginugunita natin ang dakilang kapistahan ng ating patron at bayani na si San Ignacio de Loyola, gusto kong magbahagi sa inyo ng tungkol sa paglilingkod o service.

Mahilig ako sa mga superhero movies. Ilang buwan na lang, ipapalabas na ang Thor Ragnarok. At sa susunod na taon, ang  Avengers Infinity Wars naman. Di na ako makahintay. Siyempre, nariyan din ang pinakahihintay ng lahat – ang Justice League. Teka, sino ba dito ang mga Team MCU? Itaas ang kamay.  Sino ang Team DC? Naisip ko lang, kaya siguro tayo humahanga sa mga kwentong ito, dahil una, ang lahat ng mga ito ay tungkol sa pagliligtas ng mundo sa kasamaaan, pagsasakripisyo at pag-aalay ng sarili sa kapwa.  Pangalawa, sa totoo lang, gusto nating maging katulad nila – hindi lang ang maging superheroes kundi ang mailigtas din ang ibang tao sa kasamaan, makapagsakripisyo, at maialay din ang buhay sa iba. Tama ba ako?

Sigurado akong marami na kayong narinig na mga totoong kuwento tungkol sa paglilingkod sa kapwa o baka may mga kakilala kayong kahanga-hanga ang pagbibigay ng sarili para sa iba. Hindi ba sa kaloob-looban natin, gusto rin nating maging katulad nila kaya tayo na i-inspire? Minsan nagtataka tayo kung paano nila nagagawa ang paglimot ng sarili at pagtulong sa iba. Saan kaya nila nakukuha ang kapangyarihan o inspirasyon para maglingkod sa iba? Gusto niyo bang malaman kung paano makukuha ang powers na ito?

Ang paglilingkod ay bunga ng isang pusong puno ng pasasalamat.  Iyan ang kapangyarihan ng paglilingkod. Ang pusong marunong magpasalamat ay naglilingkod sa kapwa. Ang puso natin ay parang mga baso. Kung pupunuin mo ito ng pasasalamat sa iba at sa Diyos para sa mga biyayang natanggap, aapaw iyan para sa iba. Pero ang pusong hindi marunong magpasalamat, nagiging makasarili.  Ang pusong marunong magpasalamat ay naglilingkod sa kapwa. Kaya ang mga kakilala nating mapagbigay at mapaglingkod, diyan sila humuhugot ng lakas! Iyan ang powers nila.

Unang kwento. Pagkatapos tamaan si San Ignacio de Loyola ng bala ng kanyon at ito’y halos niyang ikinamatay, naramdaman at napagtanto niya na napakabuti ng Panginoong Diyos sa kanya kahit na siya ay isang makasalanan. Binigyan siya ng ating Panginoon ng isa pang pagkakataon upang mabuhay at magbago. Kaya pagkatapos ng ilang buwan ng pagpapagaling ni Ignacio, iniwan niya ang dating buhay, ang pamilya at kayamanan, at inalay ang kanyang sandata at espada sa Panginoon upang magsimula ng isang buhay ng paglilingkod sa kapwa. Paano nangyari iyon? Naranasan ni Ignacio ang pagmamahal at pagpapatawad ng Panginoon, at ang puso niya ay napuno ng pasasalamat sa Diyos. Kaya siya naglingkod sa kapwa. Sa kanyang dasal, sinabi nya:  “Kunin Mo, O Diyos, at tanggapin Mo ang aking kalayaan, kalooban, isip at gunita.  Lahat ng hawak ko at loob ko ay alay ko sa ‘Yo. Nagmula sa ‘Yo ang lahat ng ito at muli kong ihahandog sa ‘Yo. Mag utos Ka at dagling tatalima ako. Ipagkaloob Mo lang ang pag-ibig Mo at lahat ay tatalikdan ko.”  Mula noong 1540 marami ang na-inspire sa kanyang karanasan at tinawag nila ang kanilang samahan bilang Compania de Jesus, sa wikang Ingles ay Friends in the Lord o Society of Jesus. Ang motto nga ng real life trying-hard-to-be super heroes na ito ay AMDG, meaning.., Ang Magmahal sa Diyos Gumagwapo o Gumaganda! Ang pusong marunong magpasalamat ay naglilingkod sa kapwa.

Pangalawang kwento.  Si Bro. Richie Fernando ay isang Jesuit brother napadala sa isang Center para sa mga may kapansanan sa Cambodia noong 1995. Isang araw, may isang estudyanteng may hawak-hawak na granadang pumasok sa isang classroom na puno ng estudyante. Sa isang iglap, tumakbo si Bro. Richie upang harangin ito. Sa bandang huli, nailigtas niya ang estudyanteng iyon at ang lahat ng mga nasa classroom matapos sumabog sa kanya ang granada. Ilang araw bago ito nangyari, sumulat siya sa best friend niya: “I know where my heart is, it is with Christ who is with the poor…” Handa niyang iaalay ang buhay niya para sa iba dahil alam niya na ang kanyang puso ay punung-puno ng pasasalamat sa Panginoon. Ang pusong marunong magpasalamat ay naglilingkod sa kapwa.

Pangatlong kwento.  Maraming nagtanong sa akin bakit ba ako magpapari. Mahirap sagutin ang tanong. Basta ang alam ko, gusto ko lang magpasalamat sa Diyos sa kanyang kabutihan. Lumaki din ako sa hirap, nagsumikap, nakapagtapos, nagtrabaho bilang CPA, tumulong sa pamilya. Gusto ko lang ibalik sa Panginoon ang kabutihan niya sa akin sa pamamagitan ng paglilingkod sa kapwa bilang pari. Siguro ito nga ang sagot kung bakit gusto kong magpari. Ang pusong marunong magpasalamat ay naglilingkod sa kapwa.

Sabi pa nga, “the mark of a true Xaverian is service”being men and women for others.” Tunay na Xaverian ka kung marunong kang maglingkod sa kapwa. Sabi pa nga sa kanta, “Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang; walang sinumang namamatay para sa sarili lamang. Tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t-isa.”  Kaya kung sarili lang ang iniisip mo – aba, baka di ka tunay na Xaverian!

Ito ang hamon ni Hesus sa ating ebaghelyo ngayong umaga. Ang maglingkod sa kapwa o pagiging alagad ni Hesus ay ang umibig sa kanya nang higit sa lahat, higit pa sa sariling buhay. Ang maglingkod sa kapwa o sumunod sa kanya ay ang pagpasan ng sariling krus. Subalit mas magagawa natin iyan kapag ang puso natin ay puno ang pagmamahal at pasasalamat sa Panginoon. Iyan ang sikreto ng paglilingkod. Iyan ang powers ng service.

Kaya ito ang hamon ko sa inyo ngayong kapistahan ni San Ignacio. Kayo, ano ang inyong kwento ng pasasalamat at paglilingkod?  Manahimik tayo sandali at isipin natin kung paano makapaglingkod sa kapwa. Huwag kalimutan na kung gusto mong maging tunay na Xaverian, maglingkod sa kapwa. Iyan ang tatak mo bilang Xaverian –  ang paglilingkod. Iyan tatak ng pagiging isang tunay na superhero! Ngayong araw, pasalamatan natin ang Panginoon sa lahat ng biyayang ipinagkaloob niya sa atin. Huwag kalimutan na ang pusong marunong magpasalamat ay naglilingkod sa kapwa.

Dahil ako ay bagong pari, maaari niyo ba akong ipagdasal?  Pwede niyo bang itaas ang kamay niyo para ipagdasal ako nang tahimik. Ipagdarasal ko din kayo. God bless you all!

Thanks for rating this! Now tell the world how you feel through social media. .
How does this post make you feel?
  • Appreciative
  • Excited
  • Happy
  • Inspired
  • Curious
  • Concerned

Short URL:



Be updated:

Leave a Reply

%d bloggers like this: