San Alberto Hurtado, SJ: Ang Santong Matayog Mangarap

Photos by Vincent Atienza (G7C) and Dave Jambalos (G8C), XS Media Team

Ang sumusunod na homiliya ay ibinahagi ni Fr. Martin Licup, SJ sa pagdiriwang ng Kapistahan ni San Alberto Hurtado SJ para sa High School Department ng Xavier School San Juan noong 25 Agosto 2017.

Lahat tayo may pangarap.  Sino ba ang wala? Ngunit ang mas magandang katanungan ay kung para saan at para kanino ang ating mga pangarap.  Madalas tayo ay nangangarap para sa sariling ikauulad o di kaya naman para sa ating pamilya.  Naisip mo na bang mangarap para sa ikabubuti ng iba? Sa ikabubuti ng bansa? O sa ikalulugod ng Diyos?

Ang ating santong si Alberto Hurtado ay nangahas mangarap. Ang kanyang pangarap ay matayog at tila malaki para sa kakayahan ng isang tao, sapagkat ang hangaring ito ay hindi para sa kanyang sarili kundi para sa kanyang kapwa at higit sa lahat sa ikaluluwalhati ng Diyos. Nangarap si Hurtado na maging katuwang ni Kristo.

Sa hangaring ito, alam niya na ang pagsisilbi sa Diyos ay di lamang iniisip at isinasagawa ngunit, higit sa lahat, ito ay isinasapuso. Sa mataas na layunin ng pagtuwang sa kalooban ng Maykapal, naghanap si Hurtado ng konkretong paraang siya mismo ang makagagawa. Hindi mahalaga sa kanya kung maliit ang gagawin basta’t ginagawa niya ang mga ito para kay Kristo. Sabi nga ni Alberto, “Hindi mahirap maghanap ng taong nagsisikap maglingkod sa Diyos pero marami sa atin, nais gawin ito sa ating sariling paraan.” Ngunit iba si Alberto, ginawa niya ang mga bagay-bagay na naaayon sa kalooban ng Diyos.

Ating kilalanin si San Alberto Hurtado. Ipinanganak siya noong 1901 sa Viña del Mar sa Chile sa isang mayamang pamilya. Noong apat na taong gulang pa lamang siya, namatay ang kanyang ama.  Dahil dito, naghirap ang kanilang pamilya at nagpalipat-lipat sila sa kanilang mga kamag-anak.  Sa kabutihang-palad, siya ay nakakuha ng scholarship at nakapag-aral sa St. Ignatius Academy – isang paaralang pinatatakbo ng mga Heswita sa Santiago. Tuwing Linggo ng hapon, nagpupunta siya sa mga iskwater ng kanilang siyudad. Sa pagtatapos ng High School, ninais siyang maging Heswita ngunit pinayuhang maghintay muna hanggang maging mabuti na ang katayuan ng kanyang pamilya.

Noong Marso ng taong 1918, nagsimula siyang mag-aral ng abogasya sa Katolikong Pamantasan ng Chile at nagpatuloy na bumisita sa mga mahihirap tuwing Linggo.  Sa edad na 22, pumasok siya sa Nobisyado ng mga Heswita noong 1923.  Nag-aral siya sa Europa ng pagkadalubhasa sa Edukasyon. Naging abala din siya sa isyung panlipunan, pangangalakal, kahirapan at higit na pagtuon sa buhay ng Simbahan.  Sumulat siya ng mga artikulong humamon sa mga mayayaman at sinimulan niya ang paglilimbag ng isang journal na Mensaje na hanggang sa ngayon ay nilalathala pa rin.

Mayaman si Hurtado di lamang sa pananampalataya kundi maging sa gawa. Nagbigay siya ng mga retreat at payong pang-espiritual na bumago sa buhay ng maraming tao. Higit sa lahat, wala siyang sawa at walang pagod na maglingkod sa mga mahihirap at nasa laylayan ng lipunan. Itinatag niya ang isang institusyon na kilala sa pangalang Hogar de Cristo, na hanggang sa ngayon ay nagsisilbi sa mga mahihirap ng Chile.

Nagkaroon ng matinding pagkamulat si Alberto sa kalagayan ng mga mahihirap nang may isang palaboy na lumapit sa kanya na nanginginig sa lamig at maysakit. Sinabi nito sa kanya na wala siyang matuluyan.  Dahil dito napagnilayan niya na: “Palabuy-laboy si Kristo sa kalsada; napakaraming mga taong naghihirap, maysakit at itinaboy, at mga taong itinapon sa kaawaawang kalagayan; si Kristo na namamaluktot sa ilalim ng tulay, sa mga batang walang matawag na ama, mga batang pinagkaitan sa mahabang panahon ng halik ng isang ina… Kristo na walang tahanan! Di ba marapat na bigyan natin siya, tayong nakakaranas ng saya sa isang kumportableng tahanan, tayong maraming pagkain, nakakapag-aral at may kasiguraduhan ang kinabukasan? Sabi nga ni Hesus ano man ang ginawa mo sa mga dukha, maliliit at naghihirap, ito’y ginawa mo sa akin.”

Sadya ngang isinabuhay ni Alberto ang ating ebanghelyo. Ang kanyang mga ginawa para sa mahihirap at nangangailangan ay pagpapahayag ng kanyang personal na pagmamahal kay Kristo. Dito ipinakita niya ang matinding pagmamahal sa mga mahihirap, pag-aaruga sa iniwang mga bata. Ipinamalas din niya ang pag-ibig na ito sa masigasig na paghubog ng mga mananampalatayang Kristiyano at pagpapalaganap ng makatao, makatarungan  at Kristiyanong lipunan. Noong 2005, naging santo ng Simbahan si Padre Hurtado sa pangunguna si Santo Papa Benedicto XVI.

Ano ang matututunan natin sa buhay ng ating santong si Alberto Hurtado? Lalo na kung paano mangarap sa buhay? Paano nga ba mangarap at isakatuparan ito?

Una, maging maluho sa pangangarap. Ayon kay Alberto, sa pangangarap kailangan maging maluho, sobra at todo bigay. Ang ibig sabihin di natatakot magtaya basta maisakatuparan lamang ang matayog at magandang pangarap para sa Diyos. Sa pagbibigay nang todo ng isang tao, hindi niya minamaliit ang sarili at kakabit nito ang pangangarap para sa iba.

Pangalawa, mangarap nang matayog para sa iba. Bakit kailangang matayog ang hangarin? Di ba kayabangan iyan? Aniya, “Ang hindi nag-iisip at nangangarap nang matayog para sa kapwa ay isa nang talunan. Walang panganib sa matayog na pangarap kasi sa laki ng gawain, manliliit ka. Mas mabuting may kababaan kang loob na mag-umpisa sa malaking hangarin na may pangambang di magtagumpay kaysa ibaba ang mithiin o pangarap dahil sa pagmamayabang tungo sa garantisadong tagumpay.”

Pangatlo, huwag matakot gumawa ng maliliit na gawain. Laging tingnan ang sarili bilang utusan o tagapagsilbi sa isang malaking gawain at mataas na pangarap. Dagdag ni Alberto, “At dahil ang papel ko ay tagapaglingkod, hindi ko tinatanggihan ang pinakamababang gawin, sa pangangasiwa man o kahit sa paglilinis… Marami ang naghahangad na mag-isip, magbasa at maghanda para sa mga matatayog na mithiin at gawain. Pero maraming gawain ang inaayawan ng lahat, nawa ito’y aking piliin.  Lahat ng gawain (maliit man o malaki) ay dapat matapos kung ang matayog na pangarap at gawain ay maisakatuparan o maganap.”

Mga mag-aaral ng Xavier School, sa ating buhay madaling magsabi ng AYAW KO NA! Sumuko na lang at di na magpatuloy.  Kaya naman kailangan natin ng mga Santo upang ipakita sa atin na, sa kabila ng kahirapang dinaranas sa buhay, kaya nating mamuhay nang may katatagan at kabanalan. Mga Kapatid, tayo na at mangarap nang matayog di lang para sa sarili kundi para sa ikaluluwalhati ng Diyos. Ating tandaan na ang yaman sa pananampalataya at matayog na pangarap ay walang silbi kung kulang tayo sa gawa!

AMEN!

Thanks for rating this! Now tell the world how you feel through social media. .
How does this post make you feel?
  • Appreciative
  • Excited
  • Happy
  • Inspired
  • Curious
  • Concerned

Short URL:



Be updated:

Leave a Reply

%d bloggers like this: